₱100k pabuya, sa sinomang makapagtuturo sa iba pang suspek sa Dacera rape-slay case -ACT-CIS Partylist

Isandaang-libong pisong pabuya ang ibibigay ng ACT-CIS Partylist sa sinomang makapagtuturo sa siyam na iba pang suspek sa panghahalay at pagpatay sa flight attendant na si Christine Angelica Dacera.

Ayon kay ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap, mariin nilang kinokondena ang ginawang karumal-dumal at walang awang krimen kay Dacera kung saan mga katrabaho at kaibigan niya pa ang sangkot dito.

Dagdag ni Yap na kanilang dodoblehin ang reward money sa susunod na linggo kung hindi mahuhuli ngayong Linggo ang mga nagtatagong suspek.

Bukod dito ay magpapaabot din aniya sila ng ₱1-million na tulong pinansyal sa pamilya Dacera.

Ani Yap, batid niyang hindi nito mapapalitan ang nawalang buhay ng biktima ngunit paraan na rin ito upang makapagsimula muli ang pamilya.

Muli namang iginiit ng kinatawan ang kahalagahan na maipasa na ang panukala na magbabalik sa death penalty sa lalong madaling panahon.

Nitong tanghali ng January 1 nang matagpuang patay sa kanyang inuupahang kwarto sa isang hotel sa Makati ang biktima matapos magdiwang ng Bagong Taon ang mga katrabaho at mga kaibigan.

Siyam na indibidwal naman ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad na suspek sa rape-slay case.

Kabilang dito sina Gregorio Angelo De Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, isang Ed Madrid, at isa pang nagngangalang Paul.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.