17 opisyal, tauhan ng LTFRB Bicol, sinuspinde, dinismis sa serbisyo

Pinatawan na ng preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Region 5 Director Vladimir Kahulugan dahil sa kasong katiwalian.

Kasabay nito ang pagsasampa ng patung-patong na kasong grave misconduct, gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of the public laban sa kanya, at dalawang tauhan nito na sina Andres Tabunda at Arnel Sabello.

Bukod sa pamemeke ng minutes of deliberation kaugnay sa appointment ng ilang personnel, nagtalaga din umano si Kahulugan ng isang tauhan para mangolekta ng ‘lagay’ sa mga operator na mayroong nakabinbing kaso sa ahensya.

Samantala, dinismiss na rin sa serbisyo ang isa pang opisyal na si Gerard del Rio ng Regional Franchising and Regulatory Office Bicol, kasama ang 13 pang job order employees ng LTFRB.

Ito ay matapos mapatunayang guilty dahil sa panghihingi ng pera sa mga operator para umano mapabilis ang paglalabas ng prangkisa sa mga CPC applicants na nag-ooperate sa Catanduanes at Masbate.

Babala ni LTFRB Chairperson Martin Delgra III, hindi siya mangingiming sibakin sa puwesto ang sinumang opisyal at empleyado na masasangkot sa katiwalian, alinsunod sa anti-corruption campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.