2 suicide bombers sa Jolo Sulu, kilala na

Kinilala ni Philippine Army Commanding General Lt. General Cirilito Sobejana ang dalawang babaeng suicide bombers sa kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu nitong Lunes.

Sinabi ni Lt. Gen. Sobejana, na ang isa ay si alyas Nanah mula sa Basilan, na asawa ng unang Pilipinong suicide bomber na si Norman Lasuka.

Ang isa naman aniya ay si alyas Inda Nay mula sa Sulu pero naninirahan sa Tawi Tawi , na asawa naman ng napatay na teroristang si Abu Talha, na conduit ng ISIS Pilipinas.

Ayon kay Sobejana, hindi totoo ang mga inisyal na ulat na Indonesian ang isa sa mga suicide bombers.

Kasabay nito, itinanggi ni Sobejana na nagkaroon ng failure of intelligence sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya naisagawa ng mga bombers ang pambobomba.

Sinabi ng heneral, on track ang kanilang intelligence operation laban sa mga suspected bombers na tinatrabaho ng grupo ni Maj. Marvin Indammog na pinatay ng siyam na pulis noong June 29.

Naniniwala si Sobejana na kung hindi nangyari ang madugong pagpatay sa apat na military officers ay naiwasan nila ang pagsabog noong Lunes.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.