2021 National budget ‘di na pwedeng galawin sa final reading – Palasyo

Kinatigan ng Malakanyang ang pananaw ng ilang senador na hindi maaaring amiyendahan ang budget bill matapos aprubahan ang final reading.

“Kung ito po ay additional items, then I would share the view of the senators, kasi kapag third and final reading eh wala na po dapat pagbabago iyan,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Inalala ni Sec. Roque ang ginawang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilang items na nakapaloob sa 2019 national budget, na nagresulta bilang post-ratification budget realignments na ginawa ng mga mambabatas.

“But then another issue of fact is, ano ba talaga inaprubahan noong third and final reading? Kasi unless mailabas kung ano iyon, hindi natin malalaman kung mayroon talagang bagong mga dinagdag,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa ulat, pinaalalahanan ni Senator Panfilo Lacson ang mga kongresista na ipinagbabawal ng konstitusyon, ang pag-amyenda sa isang panukalang batas na naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa.

Partikular na pinunto ni Lacson, na nakalagay ito sa Article 6 Section 26 (2) ng 1987 constitution.

Sinabi ito ng senador sa gitna ng agam-agam na posibleng pasukan pa ng amendment ng mga kongresista ang budget bill kahit natapos na nila itong maipasa sa third and final reading ngayong araw.

Giit ng senador, masyadong malayo ang November 5 sa October 16 para mai-print at ma-transmit ng Kamara sa Senado ang kopya ng naaprubahan nilang 2021 general appropriations bill (GAB).

Tanong tuloy ni Lacson, plano ba ng mga kongresista na labagin ang konstitusyon, upang habang nakatupad na sila sa kanilang pangako kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipapasa nila ang budget bill sa huling araw ng sesyon, ay makakapagpasok pa rin sila ng budget insertions sa approved version ng GAB.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.