23 barangay officials kinasuhan na matapos nakawin at ibulsa ang SAP

Iniulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na 23 barangay (village) officials ang nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal dahil diumano sa mga anomalya sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) matapos silang idemanda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na nagsampa na ang PNP ng 12 kasong kriminal laban sa 23 barangay officials.

Apat pang kaso ang isasampa sa mga susunod na araw habang ang 110 barangay officials ay kasalukuyang nasa ilalim ng “case build up” matapos na ang 318 complainants sa buong bansa ay magreklamo ng katiwalian laban sa kanila.

“Sunud-sunod na ang pagsasampa ng kaso ng PNP-CIDG laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay at sa kanilang mga kasabwat sa mga anomalya sa pagbibigay ng SAP. Puspusan na rin ang imbestigasyon at case build up para masigurong makakalaboso ang mga walanghiyang tao na ito na nakuha pang manggantso sa mga mahihirap nating kababayan,” ayon kay Año.

Aniya, karamihan sa mga anomalya ay nagawa ng ng village chiefs, councilors, treasurers, secretaries, employees, purok leaders, at maging ng social workers.

Mga kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at RA 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act ang isinampa ng PNP-CIDG laban sa naturang barangay officials.

“Nalalapit na ang pamimigay ng second tranche ng SAP kaya hindi natin hahayaang makapanloko pang muli ang mga ito. Nakatutok ang kapulisan sa mga kasong ito dahil ayaw nating mas lalo pang maagrabyado ang mga SAP beneficiaries,” ayon pa sa kalihim.

Ayon naman kay DILG Undersecretary and spokesperson Jonathan E. Malaya, karamihan sa mga anomalyang nagawa ng barangay officials ay ang paghahati sa pera, pagpeke sa master list, pagkuha ng “cut” o “tara” mula sa SAP beneficiaries, mga kamag-anak ang nasa listahan, at iba pa.

“Mayroon pa ngang insidente sa Pasay na isinama diumano ng punong barangay sa listahan ang kanyang mga empleyado sa laundry shop sa listahan ng SAP beneficiaries at pagkatapos ay pinapirma na suweldo raw nila iyon,” ayon kay Malaya.

Dismayado si Malaya na pinagkatiwalaan ng national government at ng mga mamamayan ang nabanggit na barangay officials para makatulong at maggabay sa kanila sa panahong ito ng pandemya pero nagmistulang mga linta ang mga ito na sinipsip ang dugo ng mga tao mula sa ayudang SAP ng pamahalaan.

Pagtitiyak niya, “Hindi po makakalusot ang mga tiwaling opisyal ng barangay na ito. Sisiguraduhin natin na pananagutan nila ang kanilang ginawa sa mga tao.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.