3 kongresistang kaalyado ni Velasco pinatalsik sa puwesto

Pinatalsik sa pwesto sa Kamara ang tatlong kongresista na umano’y kaalyado ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ito ay matapos i-mosyon ni Deputy Majority Leader Xavier Jesus Romualdo na alisin sa pwesto si Quezon Rep. Helen Tan na chairperson ng Committee on Health sa gitna ng deliberasyon sa plenaryo kahapon, Oktubre 6.

Pinalitan naman ito ni Guimaras Rep. Ma. Lucille Nava.

Inalis din bilang chairperson ng Committee on Economic Affairs si AAMBIS-OWA party-list Representative Sharon Garin, at ipinalit si Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr.

Pinatalsik din sa pwesto si Valenzuela City Rep. Eric Martinez bilang chairman ng Committee on Youth and Sports Development.

Itinalaga naman sa naiwang pwesto si Manila Rep. John Marvin “Yul Servo” Nieto.

Kamakailan lang ay inalis din sa pwesto si 1-PACMAN party-list Rep. Mikee Romero na kilalang tagasuporta ni Velasco.

Matatandaan ding hinamon ni Deputy Speaker Dan Fernandez ang mga kapwa mambabatas na magbitiw kung hindi susuportahan si Speaker Alan Peter Cayetano.

“Kung hindi niyo maibibigyan ng kaukulang pagtitiwala ang pagkakaluklok ng 184 members na nagsasabi na hindi namin pinapayagan ang resignation ni Speaker Alan Cayetano, it’s better for you to let go and fight another day,” ani Fernandez.

Matapos mapalitan ang mga pwesto, nagtalumpati si Cayetano.

Nagmosyon itong ipasa sa ikalawang pagbasa ang 2021 General Appropriations Bill kahit hindi pa tapos ang deliberasyon.

Ipinagpaliban din ni Cayetano ang sesyon hanggang Nobyembre 16.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.