3 opisyal ng PhilHealth ang nagbitiw sa mga paratang sa kurapsyon, iniimbestigahan sa overpriced ng pagbili ng IT System

Bumitiw na sa pwesto ang tatlong opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa patuloy na pag-iral ng korapsyon sa ahensya.

Inihain ang resignasyon makaraan ang online meeting kung saan nadiskubre ang umano’y korapsyon sa PhilHealth.

Ibinunyag din ni Presidential spokesperson Harry Roque nitong Biyernes na kasalukuyang iniimbestigahan ang (PhilHealth) officials sa umano’y pagbili ng overpriced na IT system na tinatayang nagkakahalaga ng dalawang bilyong piso.

Sa isang panayam, hinikayat din ni Roque si Thorrsson Montes Keith, anti-fraud officer ng PhilHealth na nagbitiw sa pwesto dahil sa malawakang korapsyon na umagapay sa imbestigasyon ng Presidential Management Staff.

“Nananawagan ako sa kaniya na ngayong meron nang pormal na imbestigasyon, sana po ay makipagtulungan na lang siya tutal siya naman ay nag-resign na para matigil na once and for all ang corruption diyan sa PhilHealth,” saad ni Roque.

“Kung hindi niya nagawa habang nasa loob, gawin na niya ngayon at sabihin na niya ang lahat ng nalalaman niya bilang anti-fraud officer.”

May kopya aniya siya ng resignasyon ni Keith kung saan inilahad ang korapsyon.

Samantala, sa hiwalay na panayam naman kay Philhealth president Ricardo Morales, kanyang itinanggi ang mga iregularidad sa ahensya.

“[Aabot sa] 50,000 transactions ang hina-handle ng PhilHealth araw-araw, palagay ko naman kung hindi corruption ‘yung mga inefficiencies diyan, mali ‘yung pasok [ng entries], kulang. Pero iyong sinasabi na korapsyon na may sindikato, may mafia, wala hong ebidensiya,” paliwanag ni Morales.

“Kung may alam siyang corruption, ilabas niya. Mag-aantay pa siya ng August 31 [for his resignation to become effective]? Gawin na niyang Lunes o ngayon, kasi detrimental na ‘yung ano niya… it would compromise the corporation for him to stay, for him to have access to the resources of the corporation.”

Nagbigay rin ng pahayag si PhilHealth spokesperson Gigi Domingo na hindi nila pinahihintulutan ang ganitong aksyon.

“The Corporation assures the public that it takes seriously any issue of corruption and asks Atty. Keith to substantiate his accusations so proper procedures can be initiated.”

Mainit namang usapin ang P730 milyong halaga ng IT system na wala pang pag-aapruba ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Importante ang IT purchase kasi lahat ng kababalaghan diyan sa PhilHealth ay nagagawa kasi nga po wala silang mabuting IT system para maiwasan ‘yang corruption na ‘yan,” paliwanag pa ni Roque.

“Ang kongklusyon ko diyan talaga ay may sindikato talaga at ito ay ‘yung pinakamatataas na career executives diyan sa PhilHealth [ang involved].”

“Hindi natin nilalahat, pero ang pinakamatitindi po diyan ay ‘yung pinakamatataas ang katungkulan dahil sila ang bumubuo sa mga polisiya ng PhilHealth,” saad pa nito.

Facebook Comments

1 thought on “3 opisyal ng PhilHealth ang nagbitiw sa mga paratang sa kurapsyon, iniimbestigahan sa overpriced ng pagbili ng IT System

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.