45 milyong Pilipino, target mapareshitro para sa Nat’l ID system sa susunod na taon — NEDA

Target ng National Economic Development Authority (NEDA), na makapagparehistro ng 45 milyong Pilipino para sa national identification (ID) system pagdating ng susunod na taon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang P11.17 billion na pondo ng NEDA, prinisinta ni NEDA Chief Karl Kendrik Chua ang plano ng ahensya para sa national ID system.

Ayon kay Chua, sa ngayon ay sinisimulan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pre-registration, sa target nilang limang milyong low-income households na maparehistro ngayong taon.

Paliwanag ng opisyal, para maiwasan ang banta ng pagtitipon-tipon ng maraming tao sa registration na kakailanganin ng pagkuha ng biometrics ng rehistrante, magbabahay-bahay muna ang PSA.

Matapos nito, ay bibigyan na lamang ng schedule ang indibidwal na irerehistro para sa pagkuha ng kanyang biometrics, gaya ng fingerprint, iris scan, at litrato.

Pinaliwanag naman ni National Statistician Claire Dennis Mapa, na ang pre-registration ay magsisimula sa 32 probinsya na may mababang kaso ng COVID-19, upang maprotektahan rin ang mga tauhan nila mula sa naturang sakit.

Mayroon aniyang 655 registration centers sa 32 na probinsya sa bansa.

Target ng ahensya na makapagparehistro ng 90 million na Pilipinong limang taong gulang pataas bago matapos ang administration ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.