ACT CIS Rep. Eric Yap, Tinanggihan ang umanong suhol na P200M para sa boto sa franchise renewal ng ABS-CBN

Ibinunyag ni ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap na isang nagpakilala umanong emisaryo ng ABS-CBN ang nag-alok sa kanya ng suhol kapalit ng boto para sa franchise renewal ng media network.

Dalawang linggo na aniya ang nakaraan nang may isang tumawag sa kanya at inalok aniya siya ng P200-million upang bumoto pabor sa prangkisa ng ABS-CBN na kanya namang tinanggihan.

Nagdesisyon itong hindi agad ilabas sa media ang naturang insidente dahil hindi naman aniya ito naberipika.  Ayaw rin naman aniya na malagay sa alanganin ang pangalan ng ABS-CBN dahil dito.

Ang hiling lamang niya sa media ay huwag maglabas ng mga ulat na maaaring makagulo lamang.

Nito lamang kasing Miyerkules isang pahayagan ang naglabas ng listahan ng umano’y boto ng mga kongresista sa franchise renewal sa kabila ng wala pa namang botohang nagaganap.

Sa hiwalay na pahayag pinabulaanan rin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang balita na may mga religious group at House leaders ang namemressure sa mga kongresista upang bumoto pabor sa media network.

Ayon kay Cayetano, ang mga ganitong balita ay layon lamang na bahiran ang kredibilidad ng patas na pagdinig ng Kamara sa isyu.

Muling pinaalala ni Cayetano sa mga kasamahan na paiiralin ang “conscience vote” kung bibigyan pa ba ng prangkisa ang network o hindi.

Ang kanila aniyang mga boto ay dapat ibase sa mga impormasyon na nailahad sa 12 hearings na kanilang isinagawa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.