AFP kay Satur Ocampo, sa korte kayo magpaliwanag

Nasa korte na ang kaso ng grupo ni Satur Ocampo, kaya doon na lang sila magpaliwanag.

Ito ang buod ng mensahe ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, kung saan kanyang binigyang-diin na naaayon sa batas ang pag-aresto kina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro at 16 na iba pa sa Davao del Norte.

Ito’y sa gitna ng alegasyon ng mga makakaliwang grupo na walang “due process” ang pag-aresto sa grupo ni Ocampo na nahuli sa checkpoint noong nakaraang Miyerkules ng gabi na may mga kasamang 14 na menor de edad.

Nilinaw ni Arevalo na ang sinasabi ng grupo ni Ocampo na niligtas nila ang mga bata at mga guro mula sa Salugpungan Learning Center sa Talaingod, Davao del Norte, dahil umano sa pangha-harass ng mga armadong grupo ay walang katotohanan at propaganda lamang nila.

Paliwanag ni Arevalo, mismong mga tribal leaders ang nagsasabi na hindi naman kailangan sagipin ang mga bata dahil wala naman giyera sa Talaingod, at tinangay ang mga bata nang walang paalam sa mga magulang ng mga ito.

Katunayan aniya, kaya nga naglunsad ng mas pinaigting na checkpoint ang Philippine National Police (PNP) at militar ay dahil sa reklamo ng mismong mga magulang ng mga bata na nawawala ang kanilang mga anak at hindi malaman kung saan dinala.

Dagdag ni Arevalo, bahala na ang korte na humusga kung dapat managot sa batas ang grupo ni Ocampo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.