Ana Patricia Non ng Maginhawa community pantry, nangangamba sa death at rape threat

Sadyang naging malawak na ang impluwensiya ng community pantry sa bansa simula nang pinasimunuan ito ng Maginhawa community pantry organizer na si Ana Patricia Non.

Kumalat ang inisyatiba sa iba’t ibang lugar sa bansa bilang kusang loob na tulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng pagtama ng COVID-19.

Sinasabing nagkaroon din ng mga kaparehong programa maging sa ibang bansa.

Pero para sa iba, hindi rin naging madali ang pagtatayo nito dahil sa mga isyu ng red-tagging matapos ang lumabas na isyu na posibleng magamit ang community pantry bilang getaway ng mga komunistang grupo na CPP-NPA-NDF.

Hindi naman nagkamali ang mga otoridad matapos na mag-viral sa social media ang pamimigay ng mga leaflets o pamphlets ng mga miyembro ng aktibong grupo na Anakpawis at Kilusang Mayo Uno.

Sa kaniyang pag-upo bilang bagong pinuno ng Philippine National Police, suportado ni Police General Guillermo Eleazar ang nasabing inisyatiba para sa mga mamamayang lubhang apektado ng pandemya.

Aniya, wala namang masama sa programa basta makatutulong sa kapwa.

Sa kabilang banda, ikinababahala ni Non ang mga natatanggap nitong death at rape threat sa kaniyang buhay.

Nagsimula aniya ito matapos ma-red tag ang kaniyang programa.

“Truth is, umiyak ako kahapon sa pagod, overwhelmed ako,” pahayag ni Non a.k.a. Patreng.

“Kasabay nito, iniisip ko ‘yung death threat and rape threats sa akin kaninang umaga … ‘Di ako makalabas kahapon kasi wala naman akong sasakyan [at] lalo na wala naman akong security. Hindi ko alam kung worth it ba lumabas para sa photo ops pero kapalit ‘yung safety ko,”dagdag nito.

Kasunod nito, humihingi muna ng pahinga si Patreng mula sa kaniyang mga aktibidad sa community pantry upang makapag-isip at maipagpahinga ang isip sa mga ginagawa nito sa kanilang komunidad.

Sa darating na Mayo 14, eksaktong mag-iisang buwan na ang nasimulan nitong community pantry.

Nakahanda naman ang PNP na tulungan si Ka Patreng sa mga tinatanggap nitong death at rape threat sa buhay.

Agad na nagpalabas ng direktiba si Eleazar sa kaniyang mga tauhan na malapit sa Maginhawa St. para sa pagtulong kay Non sakaling maulit pa rin ang mga banta nito sa buhay.

Hinimok din ni Eleazar si Non na magsampa ng reklamo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya kaugnay sa mga tinatanggap nitong harassment upang agad itong maimbestigahan.

“Nakahanda po ang PNP na tulungan si Ms. Non lalo na kung may banta sa kanyang buhay. Maaari siyang dumulog sa pinakamalapit na police station para ireport itong mga threats na natatanggap niya at agad na maimbestigahan ng ating kapulisan kung sino ang gumagawa ng mga ito,” pahayag ni Eleazar.

“Huwag po siyang magdalawang-isip na lumapit sa ating mga awtoridad dahil sinisiguro ko sa kanya na aaksyunan ng PNP ang kanyang mga hinaing o reklamo,” dagdag ng PNP chief.

Bukod dito, pinatitingnan din ni General Eleazar sa ilalim ng anti-cyber crime group ng PNP ang lahat ng anggulo mula sa online harassment na pinagdadaanan ni Non.

Matatandaang, nauna nang itinanggi ng mga awtoridad noon na walang red tagging at profiling ang hanay ng PNP kundi pinatitiyak lang anila nito na may maayos na koordinasyon sa barangay at awtoridad para maipatupad ang health protocol lalo na sa mga taong nagtutungo sa lugar.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.