Ang pakikipagpulong ni VP Robredo sa mga opisyal ng US, UN, ‘di foreign intervention – Sen. Lacson

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na hindi katumbas ng foreign intervention o pakikiaalam ng ibang bansa ang ginawang pakikipagpulong ni Inter-Agency Committee on Anti Illegal Drugs (ICAD) Co-chairperson, Vice President Leni Robredo sa mga opisyal ng United Nations (UN) at pamahalaan ng Estados Unidos.

Ayon kay Lacson, hindi naman masamang makipagpulong sa mga dayuhang opisyal dahil talagang ginagawa ang ganitong klase ng pakikipag ugnayan lalo na kung ang target ay ang pagpigil sa paglaganap ng suplay ng ilegal na droga.

Aniya, nung panahon ng panunungkulan niya noon bilang Philippine National Police (PNP) chief, ay nakikipag-ugnayan rin siya sa kanyang foreign counterparts tulad ng US Drug Enforcement Agency, Australian police, Hong Kong Narcotics Bureau at Taiwan Ministry of Justice and Investigation.

Giit ni Lacson, may mga impormasyon ang UN at US na maaaring makatulong kay VP Leni na mapigil ang mga papasok na drug shipment sa bansa, lalo’t meron silang mga natatanggap na confidential information mula sa mga miyembro ng mga sindikato ng droga.

Hindi rin naman aniya makakapagsagawa ng operasyon dito sa bansa ang UN at USDEA, dahil tanging impormasyon lamang ang maibibigay nila.

Pagbibigay diin ni Lacson, ang tanging layunin lamang ng pakikipagpulong sa kanila ni Robredo ay ang mapalawak ang intelligence information ng bise presidente.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.