Anomalya sa PhilHealth, sisimulan ng dinggin sa Kamara ngayong Miyerkules

Sisimulan na ng Kamara ang pagdinig sa mga umano’y anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong Miyerkules.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chair at ANAKALUSUGAN Partylist Representative Mike Defensor, ang kanyang komite ang mangunguna sa imbestigasyon.

Para aniya sa unang hearing ay inimbitahan ang mga opisyal ng PhilHealth at ng Department of Health kasama ang dating nagbitiw na PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Keith.

Kailangan aniyang maipaliwanag ni Keith kung anong ibig sabihin ng isinaad niya sa kanyang resignation letter na hindi dapat ang mga OFW ang sumagot sa ‘PhilHealth spillages’.

Inaasahan rin ani Defensor na idedetalye ng nagbitiw na opisyal ang mga korapsyon sa ahensya at kung sino-sino ang sangkot dito.

Isa rin sa nais mabigyang linaw ng mambabatas sa naturang pagdinig ay ang pagtaas sa reimbursement claims ng mga PhilHealth member mula Rizal at Metro Manila para sa pneumonia, urinary tract infection, acute gastroenteritis, sepsis, at iba pang sakit batay sa August 2019 Commission on Audit Report.

Posible kasi aniyang sinasamantala ang pagpapatupad ng ahensya ng case-rate kahit pa ang nagastos naman ng pasyente ay mas mababa sa halagang nakasaad sa naturang sistema.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.