Anti-Duterte blogger at scammer na si Dennis Jose Borbon, Arestado, umaming binabayaran sya para siraan ang administrasyong Duterte

Nadakip ng Philippine National Police ang dalawang “aso” ng malalaking personalidad ng oposisyon na umano’y inutusan noong nakaraang halalan para wasakin ang mga kandidato ng administrasyong Duterte, partikular na si Sen. Bong Go, matapos ang isinagawang entrapment operation dahil sa tangkang pangingikil ng pera sa senador. 

watch the video here:

Iniharap sa media sa Camp Crame, Quezon City nina Sen. Go, PNP chief, Gen. Oscar Albayalde, Presidential Anti-Corruption (PACC) commissioner Greco Belgica at Cong. Arnulfo Fuentebella ang mga suspek na sina Dennis Jose Borbon at Edgar Bularan.

Ayon kay Sen. Go, may ilang mambabatas nang nabiktima ang mga suspek, bago siya nakatanggap ng mensahe mula sa mga ito sa pamamagitan ng messaging app na “Viber” at nanghihingi sa kanya ng financial assistance, gamit ang pangalan ni Cong. Fuentebella.

“Ginamit nila ‘yung Viber, may mukha ni Cong. Arnie (Fuentebella), pero iba ang number,” ani Go. “Madami nang nabiktima itong mga nagpapanggap na ito.”

Ikinuwento ng senador kung paano niya nakausap ang mga suspek.

“Gabi ng Linggo, nag-Viber siya sa akin. Magaling. Sabi pa na talo ako sa Bicol (noong nakaraang eleksyon), bawi na lang ako daw sa susunod,” ani Go.

“Maya-maya, humihingi na ng tulong kasi raw ang mga kabataan kailangan ng solicitation. Twenty-five thousand pesos daw ang kailangan,” dagdag niya.

Dahil sa hinala sa mesahe ng suspek, tinawagan ni Sen. Go ang tunay na Cong. Fuentebella at itinanggi nito na nagso-solicit siya ng pera.

“Napakadami pong nanloloko noon sa Malacañang. Hindi po tayo dapat pumayag magpaloko sa mga ganitong scam. Ngayon, tinawagan ko yung totoong Cong. Arnie, umaga ng Lunes. ’Di daw totoo ito at hindi siya nanghihingi ng pera,” ani Go.

Para madiskubre ang lalim ng raket ng mga suspek, inutusan ni Go ang isa niyang staff na alamin kung totoo nga ang ibinigay na bank account sa kanya ng scammer. Aniya, pinahulugan niya ng isang piso ang account sa ilalim ng pangalang “Dennis Jose P. Borbon”. 

“Nung nasa bangko na staff ko, nagdeposit ako, piso. Tinignan ko kung totoo ang account number,” aniya.

Matapos nito, tinawagan niya ang suspek na nagpapanggap na Cong. Fuentebella saka sinabihang i-withdraw na ang perang idineposito niya at ibili ng ataul.

“Tinawagan ko siya (suspect). Sabi ko, i-withdraw niya kaagad ang pera. Excited siya. Sabi ko, ibili niya ng ataul, isukat niya ang sarili niya,” ang pabirong sabi ni Go. 

“Sabi ko, probinsyano lang kami, pero di mo kami maloloko. Dine-activate niya ‘yung Viber niya pagkatapos niya binaba ang tawag.”

Ayon kay Go, natuklasan na ang mga nasabing suspek ay mga personalidad din na kinuha at ginamit ng mga nasa oposisyon para maglunsad ng smear campaign laban sa kanya at sa iba pang administration figures noong kampanya ng 2019 elections. 

“Mas naging interesado ako dahil mas malalim pala ang taong ito. Inutusan din pala siya noong nakaraang eleksyon na siraan kami,” ang bunyag ni Go. 

Nalaman sa pagsisiyasat ng pulisya na binuhusan ng pondo ng opposition figures ang suspek na umamin naman na sina dating Senators Bam Aquino, Antonio Trillanes at Magdalo Congressman Gary Alejano ang nasa likod ng smear campaign laban sa administrasyon.

Ayon kay Borbon, personal din niyang kakilala si Peter Joemel Advincula, ang nasa likod naman ng “Bikoy” videos. 

Ipinagtapat ni Borbon na kinontak siya ng kampo ng oposisyon o ng isang staff ni Sen. Bam Aquino para magsagawa ang kanyang grupo ng black propaganda laban sa Duterte administration.

“Way back nung election, lumapit sa akin yung chief of staff ni Bam Aquino at pinapatira yung mga kandidato ng (administrasyon nung nakaraang) eleksyon… Nagdedeposito sila ng 20k to 40k, iba pa ang galing kay Congressman Gary Alejano,” ang kuwento ni Borbon. 

“Isa po akong anti-administration blogger po, anti-Duterte blogger po… ‘yung mga alegasyon pong sinasabi ni Senator Bong Go, totoo po ‘yun hindi ko naman po kinakaila ‘yun pero recap noong eleksyon ang .. and umaabot din ng mga 300,000 ‘yung engagement sa Facebook per week, ‘yung blog ko sa Facebook and lumapit sa akin itong… ni Mr. Senator Bam Aquino na si former councilor Aries.. and ‘yun na nga po pinapatira sa akin lahat ng senatorial candidates ng administrasyon and then noong nagipit po ako dala rin po ng pangangailangan eh ina-access ko po ‘yung mga phone numbers ng mga Heads,” dagdag niya.

Samantala, sina Cong. Fuentebella, Cong. Mikee Romero, Cong. VG Lacson, Vice Governor Jolo Revilla at iba pang opisyal na nabiktima ng mga nasabing scammer ay magsasampa ng kaso.

“Magsasampa po tayo ng karampatang kaso para hindi na ito maulit. We have to stop these scams para wala nang maloko. Baka kailangan na taasan pa natin ‘yung penalties sa mga ganitong krimen na napakadaling gawin,” sabi ni Fuentebella.

Binati naman ni Sen. Go ang PNP sa pagkakadakip sa mga suspek. Hiniling naman niya sa Anti-Cybercrime Group na dapat mabigyan ng hustisya ang ginawang paninira ng mga suspek sa kanya at sa iba pang personalidad noong nakaraang kampanya.

“Dapat managot ang mga nasa oposisyon kung kailangan. Hinihiling ko ang hustisya sa ginawa nilang pambababoy sa akin at sa Duterte administration noong nakaraang halalan,” ani Sen. Go. 

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.