Anti-Terrorism Law, aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Kamara

Sa botong 173 affirmative, 31 negative at 29 abstention, inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pag-basa ang HB 6875 0 Anti-Terrorism Law na mag-aamyenda sa Human Security Act of 2007.

Layong magkaroon ng mas klaro, balanse at rasyonal na Anti-Terrorism Law, na sumusunod sa regional at international standards.

Nakapaloob dito ang mga probisyon na klarong magpataw ng parusa sa mga indibidwal o grupong magpaplano, mag-uudyok, makikiisa sa pagpaplano, magsasanay o tutulong sa anumang gawain ng terorismo.

Kasama rin ang pagbibigay ng material support sa mga terorista, at pagre-recruit ng mga miyembro sa isang terrorist organization.

Nakapaloob rin sa panukala, ang pagkakaroon ng hurisdiksyon ng Pilipinas sa mga Pilipino na sasali sa mga terorista sa ibang bansa.

Sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Bill, palalawigin ng hanggang 14 araw ang detention ng isang hinihinalang terorista kahit walang arrest warrant at maaari pang palawigin ng dagdag na sampung araw.

Ang sinomang mapapatunayang naglunsad o nag-udyok ng terroristic acts ay makukulong ng 12 taon.

Sakaling ang mga akusado ay kawani ng gobyerno, tatanggalin ang mga ito sa trabaho at hindi na bibigyan pa ng pagkakataon na makabalik sa serbisyo. Hindi rin sila pagkakalooban ng mga benepisyo.

Upang matiyak na walang pang-aabuso na magaganap, agad na aabisuhan ang Commission on Human Rights sa detention ng isang suspected terrorist.

Itatalaga rin ang ilang Regional Trial Courts as Anti-Terror Courts upang maging mas mabilis ang pagdinig sa kaso.

Maaari ring humarap sa paglilitis ang akusado at testigo sa pamamagitan ng videoconferencing.

Ayon naman sa isa sa mga may-akda ng panukala na si Muntinlupa Rep. Rufy Biazon, hindi na isasalang sa bicam ang panukala at maaari nang isumite sa Pangulo.

Ayon naman sa kay Minority Leader Benny Abante, inaaral ng minorya ang posibilidad ng pag-kuwestyon nito sa Korte Suprema oras na maisabatas.

Aniya ang mga krimeng nakalatag sa Anti-Terrorism Bill ay may kaakibat naman nang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code at may existing measures na rin para tugunan ang anumang banta ng terorismo.

Hindi rin aniya tumutugma ang panukala sa Konstitusyon at sa due process partikular sa pagtukoy sa mga taong hinihinalang terorista, warrantless arrest at labing apat na araw na detention na maaari pang palawigin ng dagdag na sampung araw.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.