Atty. Larry Gadon, kinuwestyon ang kwalipikasyon ni SC Justice Marvic Leonen sa Supreme Court

Kinuwestyon ni Atty. Larry Gadon si Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Leonen dahil sa dami ng backlog sa mga kasong hinahawakan nito.

“82 cases ‘yung kanyang backlog. Katamaran ‘yun. Either tamad siya o incompetent siya; or dalawa, incompetent at saka tamad. Makikita mo rin na pinipili lamang niya ‘yung kaso na dapat niyang dedesisyunan,” pahayag ni Gadon.

Ayon kay Gadon, hindi makatarungan sa panig ng taumbayan ang ginagawa ni SC Justice Leonen dahil sa inuupuan lamang nito ang mga kaso.

Ikinumpara din ni Gadon ang performance ni Leonen sa ibang mga mahistrado ng Korte Suprema na may sapat na karanasan sa judiciary works.

“Kagaya na lamang ni Chief Diosdado Peralta, ang backlog niya na case tatlo lang. Alam mo kung bakit? Kasi si Justice Peralta, dumaan ‘yan sa pagiging piskal, dumaan ‘yan sa pagiging RTC judge, naging Sandiganbayan judge. Kaya ang nangyari siya ay bihasa sa paggagawa ng desisyon,” ayon pa ni Gadon.

Kabilang aniya sa mga kasong naapektuhan dahil sa mabagal na performance ng mahistrado ay ang election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo na si Leonen din ang may hawak.

“Isipin mo October 2019 pa ‘yun na-raffle sa kanya at kung hindi pa nagkaroon ng isyu doon sa quo warranto doon sa kanyang SALN, hindi pa siya maglalabas ng order. At ang order na nailabas lamang niya ay order to Comelec and to Solicitor General to file a comment on the petition,” aniya pa.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng Office of the Solicitor General ang certified true copies ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Leonen.

Ayon kay Gadon, pinag-aaralan niya ang pagsasampa ng impeachment case laban kay Leonen.

Habang ang OSG naman ayon kay Gadon ay pinag-aaralan din ang paghahain ng quo warranto petition laban sa mahistrado dahil sa kabiguan nitong maghain ng SALN nang magturo ito noon sa University of the Philippines.

Samantala, kinuwestyon naman ni Gadon ang qualification ni Leonen bilang mahistrado ng Korte Suprema at pinagre-resign din nito sa puwesto ang mahistrado.

“Eh, mas mabuting mag-resign nalang siya dahil hindi naman siya qualified at saka tamad siya at saka incompetent. Dahil lang kay Noynoy Aquino kaya lang siya diyan na-appoint eh. Pero in so far as qualification is concerned Marivic Leonin is nothing,” dagdag pa ni Gadon.

Nakipag-ugnayan naman ang SMNI News kay Justice Leonen subalit wala itong sagot sa mga pahayag ni Atty. Gadon.

Bukas naman ang SMNI News sa panig ni Leonen.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.