Baguio City Mayor Magalong pinangalanan na ang 13 na ‘Ninja Cops”

Pinangalanan na ni dating Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang 13 na pulis na tinatawag ngayong ‘ninja cops’.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ngayong araw tungkol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at iba pang isyu sa Bureau of Corrections (BuCor), isinalaysay ni magalong ang mga pangyayari sa isang drug operation noong November 2013 kung saan diumano ay nag-recycle ng nasabat na iligal na droga ang ilang operatiba ng Pampanga Police.

Kabilang dito sina:

PSupt Rodney Louie Baloyo
PSInsp Joven de Guzman Jr.
SPO1 Jules Lucap Maniago
SPO1 Donald Castro Roque
SPO1 Ronald Bayas Santos (x)
SPO1 Rommel Munoz Vital
SPO1 Alcindor Tinio
SPO1 Dante Mercado Dizon
SPO1 Eligio Dayos Valeroso
PO3 Dindo Singian Dizon (x)
PO3 Gilbert Angeles de Dera
PO3 Romeo Encarnacion Guerrero
PO3 Anthony Loleng Lacsamana

Ayon kay Magalong, inimbestigahan niya ang insidente matapos siyang sabihan ni dating PNP chief Alan Purisima na imbestigahan ang sabay-sabay na pagkakaroon ng bagong SUVs ng mga pulis na nabanggit.

Nangyari umano ito matapos ang kanilang operasyon noong November 29, 2013, sa Woodbridge Subdivision sa Mexico, Pampanga.

Base sa imbestigasyon ni Magalong, umabot ng 200 kilo ng shabu ang nasabat ng  grupo sa naturang operasyon, taliwas ito sa 38kg na idineklara ng mga ito sa kanilang report.

Bukod dito, mali rin aniya ang Chinese drug lord na iprinisenta ng Pampanga Police noon sa media.

Base sa report na isinumite ng grupo, isang high profile suspect na Johnson Lee ang naaaresto nila.

Gayunpaman, napag-alaman aniya ni Magalong na nagbayad ng P50 million ang totoong Johnson Lee para makalaya.

Kaya sa halip, ibang Chinese suspect ang iprinisenta ng grupo bilang ‘Johnson Lee’.

November 2014, nagkaroon na ng desisyon na ma-dismiss sa serbisyo ang 13 na pulis.

Pero hindi ito naipatupad at sa halip ay noong October 17, 2017, ay may inilabas na desisyon ang pamunuan ng Pambansang Pulisya na nagde-demote lang ng sa naturang mga pulis.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.