Bandalismo sa tren ng MRT-3, iniimbestigahan na ng DOTr

Ibinahagi sa social media ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran ang larawan ng isang bahagi ng tren ng MRT-3 na may bandalismo ng salitang ‘cranks’.

Sa isang pahayag, sinabi ni Libiran na talagang may iilang indibidwal ang hindi aniya natutuwa sa pagbabago at pilit na gagawa ng paraan para makapanggulo.

Dahil dito, ayon kay Libiran, sasailalim sa cleaning at repainting ang tren at para naman matukoy kung sino ang responsable sa naturang bandalismo, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Transportation (DOTr) ukol dito.

Sa ngayon ay mas pinaaga pa ng MRT-3 management ang deployment ng platform marshals ng MRT-3.

Ito ay para matiyak na nasusunod ang patakaran at napapairal ang kaayusan sa lahat ng mga nasasakupang lugar ng rail line.

Sa loob ng mga tren, ang train marshals ang magpapanatili sa kaayusan at magtitiyak na nasusunod ang mga health and safety protocols kontra COVID-19.

Kabilang dito ang tamang pagsusuot ng face mask at face shield, pagbabawal sa pagsasalita, bawal kumain at uminom at pagsunod sa tamang social distancing protocol.

May awtoridad din ang mga train marshals na sitahin, pababain ng tren, o huwag pasakayin, ang sinumang pasaherong matatagpuang sumuway sa mga patakaran ng linya.

Limitado lamang ang bilang ng mga pasaherong maaaring sumakay ng tren kung saan ay nasa 30% passenger capacity o nasa 372 na pasahero lamang ang pwedeng sumakay kada train set.

Ayon sa DOTr, kaligtasan ng mga pasahero ang numero unong prayoridad ng mga transport marshals ng MRT-3, sang-ayon sa tungkulin ng linya na magbigay ng ligtas, komportable, at maaasahang transportasyon sa publiko.

Kamakailan, dalawang lalaki ang bumaba sa riles ng MRT-3 at isa pang kasama nitong nag-‘selfie’ ang nahaharap sa kasong alarms and scandals.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng MRT-3 sa mga hindi awtorisadong indibidwal sapagkat delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran ngunit gayundin ng iba pang pasahero ng linya.

Dahil dito, nagsampa ng kasong violation of RPC Art 155 o Alarms and Scandals ang pamunuan ng MRT-3 sa dalawang lalaki, na dinala sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station (PS-10) para sa inquest procedure.

Nire-review na ang lahat ng CCTV camera upang malaman kung sino ang responsable sa naturang insidente.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.