Bayan Muna Rep. Cullamat, idinepensa ang namatay na anak na miyembro ng NPA

Idinepensa ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat ang pagkamatay ng anak nitong miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa halos isang oras na engkwento sa militar sa Surigao del Sur noong Linggo.

Ayon kay Cullamat, nasa wastong gulang na ang kanyang anak para magdesisyon sa sarili at hindi nito ipinagtataka ang pagsapi nito sa NPA dahil umano sa pang-aabuso ng militar sa mga katutubo at sa kanilang paramilitary groups.

PAHAYAG NI BAYAN MUNA REP. EUFEMIA C. CULLAMAT SA PAGKAPASLANG NG KANYANG BUNSONG ANAK: “Mahal ko ang anak ko na nagmahal sa bayan. Ipinagmalalaki ko siya. Bayani siya ng mga Lumad at ng buong bayan.”

Bilang isang ina, basag ang puso ko ngayon sa balitang nasawi ang anak kong si Jevilyn sa isang insidente sa Marihatag, Surigao del Sur. Matindi ang aking pagdadalamhati sa pagkapaslang ng aking bunsong anak.

Mariin kong kinokondena ang ginawang pambabastos at pambababoy sa labi ng aking anak. Hindi siya bagay, hindi siya isang tropeo na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar. Hindi niyo na ginalang ang patay, binabastos pa ninyo ang nagluluksa naming pamilya. Hinihiling ko sa militar na huwag gamiting tropeo ang bangkay ng aking anak. Hayaan ninyo ang aming pamilya na makapagluksa at makapagbigay ng parangal sa kabayanihan niya.

Mahal na mahal ko si Jevilyn. Isa siyang tahimik at mabait na anak. Pinalaki namin siya na maging makabayan, matapang, at may sariling pag-iisip at paninindigan. Sa aming mga Lumad, bawat bata ay inaaruga para maging kapaki-pakinabang at mag-ambag sa komunidad. Ang desisyon niyang lumahok sa armadong pakikibaka ay hindi simpleng bagay, at bunga na rin ng pang-aabusong dinanas naming mga Lumad at ang matinding kahirapan na nasaksihan niya. Nakita ng kanyang dalawang mata kung paano pinaslang ng mga paramilitary ang aming mga lider na si Dionel Campos, Datu Bello Sinzo, at Executive Director ng ALCADEV na si Emerito Samarca noong September 1, 2015.

Bagamat bilang isang ina ay nag-alala rin ako at masakit ang mawalan ng isang anak, nanaig pa rin ang respeto ko sa naging desisyon ni Jev.

Anupaman ang sabihin ng mga buwitreng pumapaligid ngayon sa bangkay ng aking anak, ito ang tanging masasabi ko: hindi nasayang ang kanyang buhay na inalay niya para sa bayan at para sa pagdepensa ng aming lupang ninuno. Malaking karangalan sa akin na nagkaroon ng isang anak na naging martir at mandirigma. Mahal na mahal ko ang aking anak na buong buhay na naglingkod at nagmahal sa bayan.

Walang pag-alinlangan kong sasabihin ito: ipinagmamalaki ko si Jevilyn dahil lumaban siya sa isang sistemang mapang-api lalo na sa aming mga Lumad. Walang nanay na magtatakwil sa anak na nagsantabi ng pansariling interes at nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan at para sa pagdepensa sa aming lupang ninuno. Source: Bayan Muna

Sa pahayag ni First Lieutenant Krisjuper Andreo Punsalan, Civil Military Operation Officer ng 3SFBN, kinilala ang nasawing anak ni Cullamat na si Jevilyn Campos Cullamat alias “Ka Reb”, 22 anyos, at miyembro ng Sandatahang Yunit Pampropaganda Platoon ng Guerilla Front 19 ng Northeastern Regional Committee (NEMRC) ng NPA.

Ayon sa siyam na mga dating rebelde na kumilala kay Cullamat, ito ay isang estudyante ng isa sa mga paaralan na nauugnay sa NPA – ang Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (TRIFPSS) at ng Alter National Learning Center for Agricultural and Livelihood Development sa lugar.

Ani Punsalan, nagsagawa ng security operations ang tropa ng militar sa barangay San Isidro, Arihatag, Surigao del Sur matapos makatanggap ng report mula sa mga sibilyan dahil sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa kanilang lugar.

Kasamang nasamsam sa engkwentro ang limang matataas na kalibre ng armas kabilang na ang tatlong AK-47 rifles, isang M14 rifle, at isang M653 5.56 caliber rifle.

Nasamsam rin ang limang backpacks na naglalaman ng mga kagamitang pandigma at mga subersibong dokumento.

Matatandaan na mainit ngayon sa imbestigasyon sa Senado ang umano’y red-tagging ng military officials laban sa mga leftist groups kasama na rito ang Bayan Muna Party-list na kinabibilangan ni Representative Eufemia Cullamat.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.