Beep card, libre nang ipamimigay sa mga pasahero ng bus sa EDSA

Nakatakdang mamigay ng libre ang AF Payments Incorporated, operator ng mga Beep card ng nasa 125,000 libreng cards para sa mga pasahero ng bus sa EDSA.

Ito’y matapos na suspindehin ng gobyerno ang mandatory na paggamit ng mga Beep cards sa pagsakay sa mga bus sa EDSA dahil sa namamahalan ang publiko sa pagbili nito.

Ayon sa AF Payments Inc., ang mga libreng Beep card ay mula sa donasyon sa mga share holder at business group at makikipag-ugnayan na rin sila sa mga bus operators hinggil sa paggamit ng QR code ticketing system.

Nabatid na nais nilang magamit na ang mga QR ticketing sa pamamagitan ng cellphone upang wala na ring gastos sa mga cards bilang pambayad sa mga bus sa EDSA.

Matatandaan na nais ng Department of Transportation (DOTr) na ibigay ng libre ang mga Beep cards kung kaya’t plano nilang ipatupad ang “one card scheme” para sa iba’t ibang uri ng transportasyon bago matapos ang taon.

Ang hakbang na ito ng DOTr ay upang mapanatili ang cashless payment system para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Nitong Lunes ng gabi, personal na ring hiningi ni Pangulong Duterte sa AF payments Incorporated sa pamamagitan ni Transport Secretary Art Tugade na ibigay nalang ng libre ang mga Beep card gayong nasasayang lang ang pondo ng pamahalaan sa mga kurap na opisyal.

“Give the card free,” payahag ni Pangulong Duterte.

“Card lang naman ‘yan, ibigay na ‘yan libre. Bakit pabayaran pa ‘yan? We have been wasting so many billions to corruption tapos ‘yan hindi mabigay?” aniya pa.

Samantala, Sinisilip din ng Department of Transportation (DOTr) ang bumuo ng sistema kung saan gagamit na lamang ang mga pasahero ng iisang card para sa lahat ng uri ng transportasyon.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, patuloy na pinag-aaralan ng ahensiya ang mga posibilidad sa cashless transactions, kabilang na rito ang one-card system.

Dagdag pa ng kalihim, plano rin nila na buksan ang production ng transportation cards sa maraming players.

“Para sa gayon walang kontrolado, parang sa ganon, ang option kung anong card ang gagamitin ay nasa pasahero,” pahayag ni Tugade.

Para kay Tugade, nais niyang magkaroon ng one-card system pagsapit ng katapusan ng taon.

Ang DOTr ay matagal nang sinisilip ang cashless transactions sa mga transportation services kahit bago tumama ang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.