Bibigyan ng fair treatment ang ABS-CBN kapag umakyat sa Senado ang isyu nito sa prankisa

Bibigyan ng fair treatment ng pamahalaan ang ABS-CBN kapag ang franchise renewal nito ay umabot na sa Senado.

Sinabi ni Senador Bong Go na bibigyan niya ng patas na pagdinig kung saka-sakaling umabot sa Senado ang usapin ng ABS-CBN.

“Ang amin naman dito ay kapakanan po ng bawat Pilipino, kapakanan ng mga empleyado at, rest assured, na ang interes ng bawat Pilipino ang mangunguna sa magiging desisyon ko,” ayon kay  Go.

Magdedesisyon aniya siya sa tamang oras.

“Ayoko pong magsalita muna bilang mambabatas dahil once approved by the Lower House, (the bills) will reach our office, ang Senado, at boboto po kami diyan, so I will decide by that time po kung dapat ba nating i-renew,” ani Go.

Aniya, ang batas na naglalayong  i- renew ang prankisa ng ABS CBN ay nananatiling nakabinbin sa  House Committee on Legislative Franchises.

Ilang linggo na lamang ang natitira ay mage-expire na ang existing franchise ng nasabing network.

Dahil nakahain na ang batas, kapuwa sinabi nina Senate President Vicente Sotto III at Isabela Representative Antonio Albano  na ang umiiral na prankisa ay maituturing na extended hanggang sa matapos ang 18th Congress sa Marso 2022 maliban na lamang kung gagawa ang Kongreso ng “denial” sa  renewal.

“Marami pong legal issues diyan kasi noong nakaraan po, including the CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) ay pinayagang mag-operate while pending pa ang kanilang application for renewal. Nasa executive department na po ito, kung hahayaan sila ng NTC (National Telecommunications Commission) na mag-operate muna while the franchise is being heard sa Kongreso. Maraming legal issues ang pinag-uusapan sa ngayon. Antayin na lang po natin ang legal opinion ng DOJ (Department of Justice) o ng ating NTC,” ayon kay Go.

Nauna nang naghain ng petition for quo warranto si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na humihiling na i- revoke o bawiin ang prankisa ng ABS-CBN dahil sa di umano’y pagpayag sa foreign ownership.

Nito lamang Pebrero 12 ay naghain naman si Senador Grace Poe ng  Senate resolution na inaatasan ang  Committee on Public Services na imbestigahan ang pagsunod ng network sa kasalukuyan nitong prankisa.

Suportado naman ni Go ang nasabing imbestigasyon sabay sabing “Karapatan po ng bawat Senador na magpatawag ng hearing at pakinggan ang opinyon ng bawat Pilipino. Kung magkakaroon ng imbestigasyon ay tawagin po natin ang lahat para mapakinggan fairly at mapalabas ang katotohanan.”

“Kung kakailanganin po, pwede namang ipatawag si Solicitor General Calida para masabi niya kung ano ang mga violations (ng ABS-CBN) that he cited sa kanyang na-file sa Supreme Court, at bilang abogado ng gobyerno, ginagawa niya lang po ang kanyang trabaho. Antayin na lang po natin ang Supreme Court kung ano ang magiging kanilang desisyon. Pinasagot naman ang both parties,”ang pahayag ni Go.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.