Bong Go, bumuwelta sa mga patutsada ni Sen. Leila de Lima sa kanya

bong go

Hindi pinalampas ni dating Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go ang naging birada sa kanya ni Senador Leila de Lima.

Kaugnay ito ng pagkuwestiyon ng nakaditeneng mambabatas sa kung saan kinukuha ng dating SAP chief ang pondo para sa pagbibigay ng tulong na bukod pa sa akusasyon nitong premature campaigning.

Buwelta ni Go kay De Lima, malinis ang kanyang konsiyensa at wala aniya siyang ginagamit ni pisong pondong mula sa gobyerno kung siya man ay patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan bilang isang private citizen na.

Mensahe pa ni Go kay de Lima, huwag siyang ihalintulad sa kanya na hindi na nga nakakatulong ay nakikisawsaw pa kasabay ng pagtiyak na ang ginagamit niyang pantulong sa mga nangangailangan ay hindi galing sa mga drug lords kundi galing sa mga kaibigang naniniwala sa kanya.

Sinagot din ni Go ang banat sa kanya ni De Lima na bakit hanggang ngayo’y naririyan pa rin siya sa mga functions ng Pangulong Rodrigo Duterte na aniya’y isang presumption na nagagamit ang pondo ng gobyerno habang nangangampanya.

Sagot naman ni Go sa alegasyon, hindi aniya kawalan sa gobyerno ang kanyang pagsama-sama sa Pangulo gayung ginagawa niya aniya ito sa kanyang personal na kapasidad at walang pera ng gobyerno na nasayang at lalong hindi drug money ang kanyang ginagamit.

Mahal niya aniya si Tatay Digong at nangako siya dito na hindi niya ito pababayaan habang siya’y nabubuhay.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.