Breaking: Patay ang NPA na anak ni Bayan Muna Rep. Cullamat sa engkwentro sa mga tropa ng gobyerno

Nanawagan si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kongreso na talikuran na ang New People’s Army.

Ito’y kasunod ng pagkamatay ng 22 taong gulang na babaeng anak ni Bayan Muna Sectoral Representative Eufemia Cullamat na si Jevilyn Cullamat, na aktibong miyembro ng NPA.

Namatay si Jevilyn sa pakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno sa Brgy. San Isidro, Marihatag sa Surigao del Sur nitong Sabado.

Inatasan naman ni Lorenzana ang Philippine Army na tiyakin ang pag-trato ng may dignidad sa labi ni Jevilyn.

Kahit nagmula sa kalaban, sinabi ni Lorenzana na agad nakuha ng mga sundalo ang bangkay ng batang Cullamat upang ihatid ito sa kaniyang pamilya nang mabigyan ng disenteng libing, kasabay ng pagtitiyak na mabigyan ng kaukulang seguridad ang pamilya Cullamat.

Binigyang diin pa ng kalihim na ang sinapit ni Jevilyn ay dapat magsilbing paalala sa lahat na walang mabuting idudulot ang armadong pakikibaka na isinusulong ng rebeldeng kilusan.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.