‘Build, build, build’ projects itutuloy na para sumiglang muli ang ating ekonomiya

Handa na ang pamahalaan sa pagpapatuloy ng lahat ng malalaking proyekto na nasa ilalim ng “Build, Build, Build” infrastructure program sa harap coronavirus disease 2019 (Covid-19) health crisis. Ito ang inihayag ng Malacañang noong Hunyo 16.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagpapatuloy ng implementasyon ng “Build, Build, Build” ay makatutulong para makabawi ang ating bansa mula sa negative impact ng Covid-19 crisis.

“Kasama po sa ating estratehiya kung paano tayo babangon sa trahedya sa Covid-19 ang ‘Build, Build, Build’ at kasama na po riyan ‘yung mga flagship projects natin. All systems go para sa projects,” ayon kay Roque sa ginanap na virtual Palace press briefing.

Pinayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagpapatuloy ng lahat ng mahahalagang infrastructure projects sa ilalim ng “Build, Build, Build” program sa kabila ng panganib na hatid ng Covid-19.

Ayon kay Roque ay tuloy na ang konstruksyon ng infrastructure projects.

“Ina-allow na po ng IATF ‘yung konstruksyon muli ng priority projects natin at lahat po iyan ay ongoing na ngayon,” aniya.

Ilan sa mga proyekto na itinutuloy na ay ang National Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link, ang NLEX-SLEX Connector, ang Cavite-Laguna Expressway, ang Metro Manila Skyway Stage 3, ang R-1 Bridge Project, ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Project, at ang Subic Freeport Expressway Project.

Nilagdaan na rin ng Department of Finance ang loan agreements sa Japan International Cooperation Agency para sa dalawang flagship infrastructure projects – ang PHP57-billion loan para ayudahan ang Cebu-Mactan Fourth Bridge at ang Coastal Road Construction sa Visayas; at ang PHP18.5-billion supplemental funding para sa Davao City Bypass Construction Project.

Positibo ang pamahalaan na pasisiglahin ng “Build, Build, Build” ang ekonomiya ng Pilipinas dahil inaasahan na lilikha ito ng maraming trabaho sa buong bansa.

Nasa PHP1 trilyon ang ilalaan ngayong taon para sa implementasyon ng nasabing programa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.