Cavite Gov. Remulla, umapela sa gobyerno na wag munang buwisan ang online sellers

Nanawagan si Cavite Governor Jonvic Remulla sa national government na iantala ang pagpapataw ng buwis sa maliliit na negosyante na nagbebenta ng produkto online.

Ayon kay Remulla, maraming Pilipinong naapektuhan ng economic restrictions na dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang lumipat sa online selling para matugunan ang pangangailangan.

Dapat aniyang tulungan ng gobyerno ang small entrepreneurs na kumita nang hindi umaasa sa Social Amelioration Program (SAP).

Paliwanag ng gobernador na sa halip na buwisan ay mas makabubuting lumikha ng mga programa at himukin ang mamamayan na sumabay sa bagong digital economy.

Wala umanong dahilan para hindi suportahan ang mga maabilidad at madiskarteng kayang sumabay sa modernong panahon kaya hindi dapat sila pahirapan.

Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ni Remulla na nakatakdang ilunsad ang libreng WiFi system sa lalawigan para sa online learning ng mga mag-aaral.

Magagamit din ang proyekto para sa research, online retail at bagong kaalaman sa sandaling malampasan ng ekonomiya ang hamon ng pandemya.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.