CBCP nangangamba sa pagsasabatas ng Anti-terror bill

Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi magiging ganap na batas ang Anti-terrorism bill sa kabila ng mabilis at madaliang pagpasa ng panukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni CBCP vice-president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na dapat manatili pa rin ang patriotism.

Ayon sa Obispo, huwag na aniya sana itong maisabatas dahil mayroon namang available na batas upang i-address ang problema ng terorismo at kriminalidad.

Pero sinabi rin ng Obispo na huwag ding iku-kompromiso ang posibilidad ng paglabag sa karapatang pantao.

Nangangamba si Bishop David na mawawala ang civil liberties ng mga Filipino kapag naisabatas ang anti-terror bill.

Tinukoy ng Obispo ang warrantless arrest at pagde-detain sa mga pinaghihinalaang terorista at mga lumalaban sa pamahalaan ng 14-araw ng walang isinasampang kaso sa hukuman.

Ang panukala ay una na ring sinertipikahang ‘urgent’ ng Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyan nasa kaniyang tanggapan para sa pagsusuri at paglagda ng punong ehekutibo.

Panawagan din ng Obispo sa mamamayan na maging mapagbantay sa mga panukala lalo’t may kinalaman dito ang kalayaan at demokrasya kung saan hindi lahat ng mga panukala ay maglilingkod para sa kabutihan ng mas nakakarami.

Giit pa ng Obispo, isa rin batayan ng demokrasya ay ang pagkakaroon ng patas na kapangyarihan ang mga sangay ng pamalaan–ang hudikatura, lehislatura at ehekutibo.

Sinabi ng Obispo na hindi na dapat maulit ang martial law lalo’t napatunayan na sa kasaysayan ang naging dulot nito sa mga Pilipino.

“So yun ang perspektibo ng simbahan parang isantabi muna natin yung mga pansarili yung mga pulitika, yung dibisyon at magkaisa naman tayo.” Anang Obispo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.