China, may balak na sakupin ang iba pang bahagi ng West Philippine Sea -Lorenzana

Lumalabas ang intensyon ng China na sakupin ang iba pang bahagi ng West Philippine Sea.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos na sabihin ng Chinese Ambassador na bahagi ng kanilang Nansha Islands ang Julian Felipe Reef, na kanilang tinatawag na Niu’e Jiao at normal lang na mangisda doon ang kanilang mga barko.

Ang pahayag ng opisyal ng China ay matapos sabihin ni Lorenzana nitong Sabado na dapat nang umalis ang nalalabing 44 na barko ng China sa Julian Felipe Reef.

Giit ni Lorenzana, ang Julian Felipe reef ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas na kinikilala ng United Nations Convention on Law of the Seas, at itinaguyod ng desisyon ng Arbitral tribunal.

Ayon kay Lorenzana, ang patuloy na presenya ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef, ay pagpapakita ng intensyon ng China na sakupin ang lugar tulad ng ginawa nila sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc at Panganiban Reef, na hayagang paglabag sa soberenya ng Pilipinas.

Muling nanawagan si Lorenzana sa China bilang signatory sa Declaration on the Code of Conduct in the South China Sea (DOC) na iwasang gumawa mga bagay na nakakasama sa istabilidad, kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.