CHR nababahala sa pagmamalupit kay Nasino

Hindi katanggap-tanggap para sa Commission on Human Rights ang ginawang pagmamalupit ng mga awtoridad sa nakakulong na aktibistang si Reina Mae Nasino na nakaposas at PPE nang dumalaw sa libing ng kanyang anak na si Baby River.

Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, lubhang nababahala ang CHR sa paraan ng paghawak ng mga awtoridad sa kaso ng human rights worker na si Nasino.

Nabatid na si Nasino ay nanganak sa kulungan at dalawang beses na pinagkaitan ng korte na makita ang kanyang maysakit na anak hanggang sa mamatay ito.

Sinabi ni De Guia na nakasaad sa United Nations Rules for the Treatment of Women Prisoners and Non-Custodial Measures for Women Offenders or the Bangkok Rules na ang desisyon para payagan ang mga anak na manatili sa piling ng kanilang inang nasa kulungan ay batay sa interest ng mga bata subalit hanggang sa huling sandali ay inilayo si Baby River sa kanyang ina.

“As duty-bearers, we would have expected officers of the government to have put in mind the best interest of the child. Even in detention, persons deprived of liberty should not be subjected to any cruel, inhuman, or degrading treatment or punishment and that it remains to be a State obligation to respect their inherent dignity and value as human beings, in line with the United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners,” ayon pa umano sa naturang Bangkok Rules.

Patuloy na nililitis si Nasino sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms and explosives na walang kaukulang piyansa.

Iginiit pa ng CHR na dapat tandaan ng mga awtoridad na nananatiling akusado si Nasino at ipinagpapalagay na inosente hangga’t ‘di pa napatutunayang guilty.

Nauna rito, may 20 pulis ang ipinakalat sa labas ng La Funeraria Rey sa Pandacan, Manila at pinipigilan ang mga tao na pumasok.

Sinabi naman ni Manila Police District spokesperson Police Lieutenant Colonel Carlo Magno Manuel ginawa nila ito para mapanatili ang social distancing dahil plano ng mga tagasuporta ni Nasino na magsagawa ng rally sa libing ni Baby River.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.