Good news! Clark Airport, naisaayos wala pang 48 oras matapos mapinsala ng lindol

Wala pang 48 oras matapos mapinsala ng magnitude 6.1 na lindol, agad na naisaayos at mamayang ika-4:00 ng hapon ay balik-operasyon na ang Clark International Airport (CRK) sa Pampanga.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Clark International Airport Corporation (CIAC), kagyat na naisagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni sa Passenger Terminal Building (PTB) at Control Tower na kabilang sa mga istrukturang napinsala sa pagyanig.

Ikinatuwa ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang mabilis na pagtugon sa direktiba niyang masusing suriin ang structural integrity ng paliparan, kasama na ang itinatayong Terminal 2 nito, at madaliin ang pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad upang agarang maibalik ang serbisyo sa mga pasahero.

“Ang nangyari ‘ho ay isang kalamidad na kailangang agad na tugunan. Sa mga ganitong panahon, napakahalaga ng transportasyon upang dalhin sa kaligtasan ang mga tao. Ang sabi ng Pangulong Duterte, siguraduhin na agad maisasaayos at matutulungan ang mga tao. Kaya kami ‘ho sa DOTr, CIAC at BCDA ay puspusan ang ginawang pagkukumpuni ng mga istruktura upang maibalik sa normal ang operasyon dito sa Clark Airport. Lahat po ng maaaring ibigay, mula sa pagkain, libreng sakay, ibinibigay ho namin,” ani Secretary Tugade.

Matatandaang ipinag-utos ng kalihim sa mga opisyal ng CIAC ang pagpapatupad ng emergency procurement para sa pagbili ng mga kagamitan at pagkuha ng mga serbisyong kailangan sa pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad sa paliparan.

Umabot sa PhP30 milyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa CRK. Tinatayang 110 flights naman ang naapektuhan kasunod ng pagsuspinde sa operasyon ng paliparan bunsod ng lindol.

Agad na sinimulan nitong umaga ng Martes, ika-23 ng Abril, ang clearing operations at repair sa CRK, partikular sa pre-departure area kung saan bumagsak ang malaking bahagi ng kisame nito.

Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa paliparan, maging ang pag-operate ng flight information systems at CCTV bago ang muling paglulunsad ng mga flight ngayong araw.

Samantala, walang naiulat na pinsala sa runway at taxiway ng paliparan, gayundin sa itinatayong bagong PTB.

Kaya naman Martes pa lang ng gabi, nagsimula nang lumapag sa Clark Airport ang mga cargo carrier na FedEx at UPS – indikasyong maayos ang naturang runway.

Siniguro ni CIAC President Jaime Melo na makaaasa ang publiko na magbubukas nang muli ang operasyon sa Clark Airport mula sa mga counter hanggang boarding gates simula mamayang 4:00 ng hapon.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.