COA nadiskubre ang P1B overpayments ng PhilHealth

Pinuna ng Commission on Audit ang PhilHealth sa napakalalaki nitong sobrang pagbabayad sa reimbursement o pagbabalik-gastos sa health care institutions (HCI) sa halagang P1 bilyon nitong nakaraang taon.

Sinabi ng COA na naganap ang mga anomalya sa National Capital Region at Rizal, CARAGA, Region 1, Region 8 and Region 9.

Natagpuan ang mga anomalya sa pagkuha ng COA ng 312,577 sample claim at pinagkukumpara ang singilin ng mga ospital, maging ang professional fee ng mga doktor at iba pa.

Hindi naman binanggit ng COA ang mga nakinabang na ospital at doktor, gayundin ang mga taga-PhilHealth na nag-apruba sa mga overpayment.

Paliwanag ng COA, nagbibigay ang PhilHealth ng buom-buo na pagbabalik-bayad sa mga programang All Case Rates o ARC at Z Benefit sa kabila ng mga patakaran na dapat tingnan kung paano maging makatotohanan sa pagbabayad at makatitipid ang PhilHealth at pamahalaan.

Sa ARC, nagbabayad umano ng buo ang PhilHealth batay sa pinakamataas o maximum na halaga kahit pa lumalabas na mas maliit ang tunay na gastos sa panggagamot ng mga ospital.

Ginagawa ring pneumonia ang simpleng pagkakaroon ng ubo ng pasyente upang malaki ang singilin ng ospital sa PhilHealth na nagbabayad naman.

Ganito rin umano ang nagaganap sa mga pasyenteng sumasailalim sa Z Benefit program o package na para sa mga seryoso at matagalan ang pagkakasakit at mahal na panggagamot.

Kabilang sa mga pasyente rito ang may acute lymphocytic leukemia, breast cancer, prostate cancer, kidney transplant, coronary artery bypass graft surgery at cervical cancer.

Sinabi ng COA na nilalabag ng PhilHealth ang Presidential Decree 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines na nagsasaad na dapat mabantayan ang mga pag-aari ng pamahalaan sa pagkawaldas o maling paggamit.

Paliwanag pa ng COA, malaking pagkalugi ang natatamo mismo ng PhilHealt at ng mga pasyenteng miyembro nito dahil sa ginagawa ng ahensya.

Ngayon ay nanganganib na mabangkrap ang PhilHealth sa pagkalugi umano nito ng nasa P145 bilyon simula noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na nagpasimula ng ACR at Z Benefit program na nagpatuloy hanggang sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, pinag-courtesy resignation naman ng bagong president ng PhilHealth na si Atty. Dante Gierran ang lahat ng matataas na opisyal ng ahensya na may salary grade 26 pataas at 43 sa mga ito ang tumugon.

Nasampahan na rin ng mga kaukulang reklamo ang ilang pinakamatataas na opisyal ng ahensya, kabilang na si dating Heneral Ricardo Morales na pinalitan ni Gierran.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.