Committee report ng Senado kaugnay sa mga anomalya sa PhilHealth, inaasahang ilalabas ngayong araw

Inaasahang ilalabas na ngayong araw ng Senado ang committee report nito kaugnay ng mga diumano’y anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, kabilang sa mga irerekomenda nila ay ang paghahain ng mga kasong malversation, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa National Internal Revenue Code, at perjury sa mga matataas na opisyal ng ahensya.

Kabilang na dito sina PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, Fund Management Sector Senior Vice President Renato Limsiaco Jr., Senior Vice President and Chief Information Officer Jovita Aragona, at Senior ICT Officer Calixto Gabuya Jr.

Malinaw aniyang malversation ang ginawa ng mga opisyal sa pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) dahil hindi pa lumalabas ang pormal na dokumento ay ginamit na aniya ng mga ito para ibigay sa mga ospital.

Hindi rin aniya sakop ng circular para sa IRM ang pagbibigay ng mga pondo sa mga dialysis center at maternity centers.

Paglabag naman aniya sa National Internal Revenue Code at Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang paghugot nila ng pondo mula sa corporate operating budget para gamiting pambayad sa buwis ng ahensya.

Sinabi rin ni Lacson na maari ring makasuhan ng perjury ang mga opisyal ng PhilHealth dahil sa pagsisinungaling ng mga ito sa pagdinig ng Senado.

Nitong nakaraang linggo ay pormal nang tinapos ng Senate Committee of the Whole ang kanilang tatlong marathon hearing tungkol sa iba’t ibang isyu ng anomalya at korapsyon sa PhilHealth.

Inaasahan namang bibigyan ng Senado ng kopya ng kanilang committee report ang Department of Justice (DOJ) at si Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.