CPP-NPA patuloy ang pang-aabuso sa mga student activists

Nabuking ang patuloy na pang-aabuso ng mga rebeldeng komunista sa mga student activist makaraang isa pang aktibista na kanilang ni-recruit at inabuso ang napatay sa pakikipaglaban sa pwersa ng pamahalaan.

Kinilala ang biktima na si Malvin Christian V. Cruz, 21, alyas Lean/Lucas, tubong Iloilo, team leader ng Squad 3, Suyak Platoon, Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay.

Namatay si Malvin habang nakikipaglaban sa mga tropa ng 61st Infantry Batallion ng Philippine Army na nagsasagawa ng combat operation sa bulubunduking lugar ng Sitio Lay, Brgy. Dalije, Miagao, Iloilo noong Hunyo 29, 2020.

Nabatid na isinagawa ang operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga sundalo mula sa ilang konsernadong mamamayan na patuloy na nagre-recruit ang mga teroristang miyembro ng New People’s Army ng mga kabataan sa San Joaquin at Miagao, Iloilo.

Sa isinagawang surveillance, natuklasan ang hideout ng mga ito kung saan inihahanda ng mga terorista ang kanilang mga pagsalakay, pananambang at pagpatay.

Pinaniniwalaang miyembro ang mga rebelde ng Suyak Platoon, Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay na pinamumunuan ni Joven Ceralvo.

Ayon sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Malvin sa Sitio Lay na may katabi pang M-16 rifle, tadtad ng bala ang katawan at basta na lang iniwan ng kanyang mga kasamahan.

Napag-alaman na ni-recruit si Malvin ng NPA noong 17-anyos pa lang ito at kumukuha ng Bachelor of Science in Statistics Circa sa University of the Philippines Visayas-Miagao Campus, aktibong miyembro ng League of Filipino Students sa UPV at miyembro rin ng IBON Foundation.

Kaugnay nito, nakiramay sa pamilya ng biktima si LTC Joel Benedict Batara, commanding officer ng 61IB, 3ID kasabay ng babala sa mga nalalabing miyembro ng NPA na sumuko na at sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak mula sa mapanlinlang na pamamaraan ng paghihikayat ng mga komunista.

Naniniwala naman si Col. Marion R. Sison, INF (GSC) PA, commander ng 301st Infantry (Bayanihan) Brigade na walang magulang na hahangarin ang kanilang mga anak na ‘di makapagtapos ng pag-aaral, humawak ng armas, mamundok at lumaban para sa mga kasamahang walang pakialam sa kanilang kapakanan.

Malaking kabiguan umano ng mga magulang na makita ang kanilang mga anak na duguan at walang buhay sa engkwentro dahil sa pag-recruit sa mga ito ng mga terorista.

“Rich or poor, we all have the same hopes of a bright and safe future for our children,” ayon kay Col. Sison.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.