Dating Minority Leader Abante at Pampanga Rep. Arroyo, makakakuha ng bagong leadership post

Kapwa makakakuha ng leadership post sina dating Minority Leader at Manila Representative Benny Abante at Pampanga Representative Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo sa termino ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Sa isang panayam sinabi ni Velasco na kanyang ililipat ang chairmanship ng House Committee on Energy kay Arroyo.

Ito’y kasunod na rin ng kanyang pagbakante sa naturang posisyon matapos mahalal bilang bagong speaker ng Mababang Kapulungan.

Ani Velasco, si Arroyo ang napili niyang humalili bilang siya naman na ang senior vice chair ng naturang komite.

Samantala, matapos namang umanib sa majority coalition si Abante ay sinabi rin ni Velasco na makakaasa ito ng posisyon ngunit sa ngayon ito ay under evaluation pa.

Una nang sinabi ni Velasco na kanilang inaaral ang committee chairmanship sa Kamara upang tingnan kung mayroon bang pantay na representasyon ang bawat political party at kung ito ba ay epektibo.

Sa orihinal na term sharing agreement ni Velasco at Taguig Representative Alan Peter Cayetano, tanging ang speakership post at Committee on Accounts lamang dapat ang magpapalit.

Ngunit aminado si Velasco na kailangan pa rin ng pagbabago sa ilang key post sa Kamara dahil kailangan ay may kumpiyansa at tiwala ang speaker sa namumuno sa naturang mga komite.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.