Dating Sen Trillanes, sinampahan ng kasong kidnapping ng PNP-CIDG sa DOJ

Panibagong kaso na naman ang isinampa laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ).

Ito ay ang reklamong kidnapping and serious illegal detention na inihain ng Major Crimes Investigation Unit ng PNP-CIDG.

Bukod kay Trillanes, inirereklamo rin sina Father Albert Alejo, Atty. Jude Sabio at isang Sister Ling ng Convent of Cannusisian Sisters sa Makati City.

Nag-ugat ang reklamo sa sumbong ng complainant na si Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas, mula sa Davao Del Norte.

Noong 2017, una nang pinaratangan ni Barrido ang kampo ni Trillanes na nag-alok daw sa kanya ng P1 milyong kapalit ng pagtestigo niya kaugnay ng pagkakasangkot umano ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.

Ang kalahating milyong piso na paunang bayad ay kapalit daw ng pagsasalita niya para idiin ang Pangulo sa Davao Death Squad.

Ang dagdag na kalahating milyong pisong kabayaran ay kung tetestigo siya sa International Criminal Court, kaugnay ng reklamong inihain doon laban kay Pangulong Duterte dahil sa umano’y nagaganap na extra judicial killings sa bansa.

Sa sinumpaang salaysay ni Barrido na isinumite sa DOJ, nakasaad na ang krimen ay nangyari umano noong December 9 hanggang 21, 2016.

Trinato raw siya na parang bilanggo nina Fr. Alejo, Sabio at Trillanes, sa kumbento ng Cannussian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.

Kasabwat din daw ang isang Sister Ling sa pagkulong sa kanya, dahil ito raw ang nagsasabi ng mga pwede at hindi niya pwedeng gawin sa loob ng kumbento, at ito rin daw ang nagsasabi na bawal siyang lumabas ng kumbento.

Ang mga nagdala raw sa kanya sa Holy Spirit Convent ay sina Father Alejo, Sister Ling, Sabio at isang Olivia na staff daw ni Vice President Leni Robredo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.