De Lima binutata ni Roque: PRRD hindi ginagamit si Duque bilang “scapegoat”

Hindi ginagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III bilang “scapegoat” o fall guy sa diumano ay mga pagkaantala ng ginagawang pagtugon ng ating pamahalaan sa coronavirus disease (Covid-19) crisis, ayon sa Malacañang noong Hulyo 22.

Binutata rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag ng nakakulong na si Sen. Leila de Lima na hindi inaalis sa puwesto si Duque dahil kailangan ng Pangulo ng “whipping boy” habang patuloy na nakikipaglaban ang ating bansa sa epekto ng pandemya.

“I read the same papers and I watch the same news as Senator Leila de Lima, I can tell you the President has not been treating Secretary Duque as a whipping boy,” ani Roque sa panayam ng CNN Philippines.

Inamin naman ni Roque na maraming nagtatanong sa kanya kung bakit hindi sinisisi ng Pangulo si Duque sa ating health-related issues.

“The question I’m asked more often is ‘why not?’ But it has never been the case that I think the President has ever used him as a whipping boy,” aniya.

Ani Roque ay may tiwala at kumpiyansa pa rin ang Pangulo kay Duque, at pinapayuhan pa ito kung paano haharapin ang kritisismo kapag may nagawang honest mistakes.

“He’s’ (Duterte) always been supportive of Secretary Duque. He says mistakes have been made. For as long as his mistakes were done in good faith, it’s no reason for him to lose confidence,” ayon sa kalihim.

Sa isang handwritten note na inilabas ng Philippine National Police Custodial Center kung saan nakakulong si de Lima, sinabi ng senadora na hinahayaan ng Pangulo si Duqe na maging “captain of the sinking ship.”

Ayon sa pahayag ng senadora, “My guess is the President just needs a whipping boy for the tragedy that they themselves have brought to our nation. Kaya siguro hindi ninyo matanggal-tanggal para laging may masisisi ang taumbayan. Is that your strategy? Have we cracked the code?”

Inilabas niya ang pahayag sa harap ng mga panawagan na magbitiw na si Duque lalo na nang sabihin nito na nakaranas na ang Pilipinas ng second wave ng Covid-19 infection, at napa-flat na ang curve.

Binalewala naman ni Duque ang mga panawagan sa kanyang pagbibitiw ng iba’t ibang sektor at sinabing naglilingkod siya sa bayan batay sa kagustuhan ng Pangulo.

Paulit-ulit namang ipinagtatanggol ng Pangulo ang integridad ni Duque at inako ang responsibilidad sa isyu ng pagbili ng protective equipment para sa front-liners.

Pinuri rin ng Pangulo ang kakayahan ni Duque, at sinabing hindi niya ito gagawing health chief kung hindi nito kayang gampanan ang tungkulin.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.