Delay sa mga proyekto para tugunan ang traffic, ‘di dapat isisi sa kawalan ng emergency power – Sen Grace Poe

Hindi dapat isisi sa hindi pag-apruba ng Kongreso sa panukalang emergency power noon ang mga nararanasang delay ngayon sa mga proyekto ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ito ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe sa naging pagdinig tungkol sa iba’t ibang panukala para masolusyunan ang trapiko sa bansa.

Una na kasing sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na kung naaprubahan lang ang emergency power para kay Pangulong Rodrigo Duterte noon, dapat aniya sana ay nirerepaso na lang ngayon ang proyektong nagawa.

Giit ni Poe, maraming proyekto ang ahensya na hindi na kailangan ng emergency power na hindi pa rin natatapos ng ahensya.

Sinabi pa ng senadora na marami ng proyekto ang DOTr na matagal nang na-procure ang hindi pa rin operational hanggang ngayon, gaya ng Dalian trains ng MRT 3 at ng LRT 1 Cavite Extension.

Pero tugon ni Tugade, hindi lamang para sa procurement ng mga proyekto ang hiling nilang emergency power.

Magagamit rin aniya ito upang maipatupad ng mabilis ang mga proyekto at maiwasan ang mga problema gaya ng ‘right of way’ at ‘court injunctions’.

Noong nakalipas na 17th Congress, hindi nakalusot sa final reading ang Emergency Power Bill at ngayong 18th Congress, muling naghain ng ganitong panukala si Senador Francis Tolentino.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.