DENR Usec. Antiporda sa mga kritiko: Magreklamo kayo sa Pangulo

Pinayuhan ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary at Spokesperson Benny Antiporda ang kanyang mga kritiko na nananawagan ng kanyang pagbibitiw na sumulat at magreklamo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Antiporda, walang problema sa kanya. Pwedeng sumulat ang mga ito sa Pangulo at ilahad ang kanilang mga reklamo laban sa kanya at kapag sinabi ng Pangulo na dapat na siyang magbitiw sa kanyang pwesto ay malugod niyang gagawin.

Ginawa ni Antiporda ang pahayag bilang tugon sa pahayag ng Geographic Society of the University of the Philippines na kailangan na siyang magbitiw dahil hindi sapat ang kanyang background para sa naturang trabaho at sa pagbalewala nito sa opinyon ng iba pang Filipino scientists.

Bunsod ito ng naging pagtawag niya sa University of the Philippines bilang “bayaran,” dahil sa multi-milyong piso umano ang ibinayad dito ng gobyerno dahil sa consultation services nito.

Kaugnay nito, humingi na ng paumanhin si Antiporda sa UP bunsod ng kanyang naging pahayag laban dito.

Aniya, hindi niya hangad na siraan ang magandang pangalan ng UP.

Ayon kay Antiporda, magka-partner sila ng UP Marine Science Institute sa mahabang panahon kaya’t kung may nakita mali ang mga ito sa kanilang proyekto, dapat sana’y tinawagan sila para sabihin kung ano ang pwede nilang gawin para malutas ang problema at hindi ‘yung idinaan sa media para siraan ang DENR.

Aniya pa, dala lang ng bugso ng kanyang damdamin kaya’t napagsabihin niya ang UP na wala silang karapatang batikusin ang “white sand” project ng gobyerno sa Manila Bay.

“Medyo masakit po. What we really want is something good for the people when it comes to this project kasi dati po basura ‘to ginawa natin buhangin,” ayon kay Antiporda.

“Nagbabayad po kami, ‘yun po ang point. Just by mere using dolomite wherein ginagamit naman ito sa buong mundo and ginagamit kahit saan sa ating bansa, i-consult pa namin sa UP MSI at magbabayad pa kami, ‘yun po ang sinasabi ko. If it’s for free walang problem ‘yan,” aniya pa.

Malugod namang tinanggap ni Dr. Laura David, director ng UP MSI, ang paghingi ng paumanhin ni Antiporda.

Ayon kay David, nagkaroon lamang ng “miscommunication.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.