Departamento sa kalamidad, lilikhain ni Sen Grace Poe

Isinisulong ni Senador Grace Poe ang paglikha ng hiwalay na departamento upang palakasin ang pagtugon ng pamahalaan sa kalamidad at mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa biktima sa gitna ng pandemya.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na dapat magkaroon ng mas mahusay na pagtugon sa kalamidad at mabilisang tulong sa mga biktima habang patuloy binabaha at binabagyo ang bansa sa gitna ng pandemya, kaya lubog ang mga lalawigan at sumusugod sa evacuation centers ang apektadong residente.

“Walang ibang aasahan ang ating mga kababayan sa gitna ng kalamidad kundi ang agarang saklolo ng buong galamay ng gobyerno,” ayon kay Poe.

Dahil dito, inihain ni Poe ang Senate Bill No. 124 o ang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act” na ipataguyod sa local government units (LGUs) para sa ‘build back better,’ naglilimita sa kanilang tungkulin mula sa pagbabangon at muling pagtatayo ng komunidad upang maging mas matatag sa hinaharap na kalamidad.

Layunin ng panukala na ireporma ang disaster risk reduction management institution sa pamamagitan ng paglikha Department of Disaster Resilience and Emergency Assistance and Management na kabibilangan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Pangungunahan ang Departamento ng sarili nitong Kalihim na magbibigay ng liderato na may accountability at patnubayan ang bansa patungo sa pagiging matatag sa kalamidad.

Nag-iwan si bagyong Quinta ng 12 mangingisda na nawawala sa Catanduanes kabilang ang mga nasirang tahanan at impraestruktura sa Pola, Oriental Mindoro. Bago ito, sinalanta naman ng bagyong Pepito ang 5,000 mamamayan sa tatlong rehiyon, Cagayan Valley (Region 2), Calabarzon (Region 4A), at Central Luzon (Region 3).

Sa Lopez, Quezon lamang, naapektuhan ng bagyong Pepito ang 1,637 household na may mahigit isang libong pamilya ang kailangan lumakas ng kanilang tahanan at manatili sa evacuation centers.

“Napakahirap para sa mga nagdarahop na pamilya na lumikas sa kani-kanilang tahanan bunsod ng bagyo at sa gitna pa ng pandemya,” giit ni Poe.

Inorganisa ni Poe ang isang team ng kanyang staff at volunteers upang magpadala ng relief packs mula sa kanyang tanggapan para sa apektadong magsasaka sa Lopez, Quezon sa pamamagitan ng Panday Bayanihan upang tulungan sila habang naghihintay ng tulong at makabangon.

Nasira ang pananim ng mga magsasaka sa pagbaha matapos lumubog ang kanilang barangay ng abot baywang na tubig.

Naglalaman ng relief pack na ipamimigay ng team ni Poe ang limang kilong bigas, tatlong lata ng corned beef, tatlong lata ng meat loaf , noodles at kape.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.