DFA Sec Locsin may banta sa mga Hotel na overcharging, magpapaalis ng foreigners, ipapa-blacklist

Nagbanta si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ipapa-blacklist niya ang mga hotel at lodging establishments na maniningil ng sobra at magpapaalis ng mga dayuhang turista.

Sa gitna ito ng mga ulat na dumarami ang mga foreigner na natutulog umano sa kalsada kahit pa may banta ng coronavirus disease sa bansa.

Sa isang pulong kasi ay sinabi ni European Union Delegation to the Philippines Chargé d’affaires Thomas Wiersing na pinapalayas ang mga turista kapag tapos na ang kanilang hotel bookings kahit wala pa silang ma-avail na domestic flights.

Babala ni Locsin sa mga abusadong hotel na papangalanan at ipapahiya niya ang mga ito at sisiguraduhing hindi mapagkakalooban ng Schengen visas ang mga may-ari na siyang kailangan para makapunta sa Europa ang mga Pilipino.

Iginiit pa ng kalihim na maituturing itong humanitarian issue at nakataya ang karangalan ng bansa kaya marapat lang na tiyaking ligtas na makauwi sa kanilang mga lugar ang mga dayuhan.

Kinumpirma ni Locsin na nasa 4,500 foreign nationals ang stranded sa bansa na karamihan ay may sakit habang ang ilang babae ay buntis.

Una nang ipinanawagan ng EU at iba pang gobyerno ang pagdadagdag ng flights at sea transport paalis ng Pilipinas at payagan ang mga dayuhan na bigyan ng pansamantalang matutuluyan sakaling walang biyahe.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.