DILG Sec Año, isinusulong ang “Anti-Subversion Law” laban sa pagsali sa mga makakaliwang grupo

Suportado ng Philippine National Police ang sinusulong ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na muling pagbuhay sa panukalang “Anti-Subversion Law” na layong walisin sa lipunan ang mga progresibo’t militanteng grupo.

watch the video here:

Sa ilalim kasi ng nasabing batas, mahigpit na ipagbabawal sa sinuman ang pagsapi o pag-anib sa alinmang progresibong grupong nagsisilbi umanong front ng Communist Party of the Philippines (CPP) tulad daw ng New People’s Army (NPA).

Gayunman, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na dapat pa rin itong isailalim sa masusing pag-aaral bago tuluyang ipasa ng Kongreso.

Giit pa ng hepe, kaunti na lamang ang bilang ng NPA kaya nanghihikayat ito sa mga kabataang umanib. Umaatake din daw ang grupo para ipagmalaki sa publiko na malakas pa rin ang kanilang puwersa.

Kapansin-pansin din daw na nagbago ang kanilang atensyon nang naging “offensive mode” na ang militar at pulisya mula sa dati nilang “defensive mode,” kaya umaaray na ang mga militante ngayon.

Nauna nang sinabi ni Secretary Año na kung mapapasa ang nasabing batas, tiyak na mapapalakas nito ang inilabas na Executive Order (EO) 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbubuo sa isang National Task Force para tapusin ang pakikibaka sa mga lokal na komunista.

Matatandaang taong 1957 nang gawing krimen ang subversion sa ilalim ni dating Pangulong Carlos Garcia bilang pantapat sa Hukbalahap, subalit tinanggal ito ni dating Pangulong Fidel Ramos taong 1992 bilang pagkilala sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.