DOT nagbabala sa mga hotel na hindi nag-aasikaso ng returning OFWs, tatanggalan ng certificate to operate

Nagbabala ang Department of Tourism na babawiin ang certificate of authority to operate ng mga hotel na babalewalain ang health at safety protocols na inilatag ng gobyerno laban sa coronavirus disease.

Ito’y matapos makarating kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang ilang sumbong na may mga hotel na hindi nag-aasikaso ng Overseas Filipino Workers sa tamang oras at hinahayaan silang makasalamuha ang publiko.

Partikular na tinukoy ni Puyat ang isang 5-star hotel sa Pasay City kung saan nag-overbook umano ng mga kwarto at pinabayaang maghintay sa lobby ang mga bisita nang hindi sinusunod ang physical distancing.

May isa ring 3-star hotel sa Malate, Maynila na hinayaang kumain muna sa labas ang returning OFWs habang hindi pa handa ang room accommodation.

Giit ng kalihim, kung nagpositibo sa COVID-19 ang kahit isa lang sa mga bisita ay maaari nitong ikalat ang virus.

Binigyang-diin pa nito na ngayong humaharap sa pandemya ang bansa ay marapat na magkaroon ng flexible check-in procedures ang mga hotel mula sa normal check-in time na alas-tres ng hapon.

Pinahintulutan aniyang mag-operate ang mga hotel para tanggapin ang mga guest na pansamantalang nangangailangan ng matutuluyan habang naghihintay ng resulta ng COVID-19 test.

Lumiham na ang DOT sa mga nabanggit na hotel para pagpaliwanagin at nagbantang kapag naulit ang insidente ay kakanselahin ang certificate of authority to operate at ire-review ang accreditation.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.