DOTr Sec Tugade kay Poe: trabaho, gawa, at hindi puro salita

Sinagot ng Department of Transportation (DOTr) ang naging patama ni Senadora Grace Poe na nais papalitan ang kalihim ng ahensya na si Arthur Tugade dahil hindi umano ito malutas ang problema sa trapiko.

Ayon sa statement ng DOTr sa kanilang Facebook page, nilinaw nito na hindi kasama sa mandato ng departamento ang traffic management.

“Una sa lahat, nais po naming klaruhin na ang traffic management ay hindi bahagi ng mandato ng DOTr,” ayon sa pahayag.

Klinaro din ng ahensya kung bakit nadadawit ang pangalan ni Tugade sa problema sa trapiko na kinakaharap sa Metro Manila.

“Taong 2016, hiningi po na mabigyan ang Pangulo ng emergency powers upang makatulong sa pagresolba ng traffic sa bansa. Sa proposed bill na hindi naman po naisabatas, si Secretary Tugade ang nakalagay na “traffic czar”,”saad pa sa statement.

“Sana po malinaw. Hindi ‘ho sa naghuhugas ng kamay. Nagsasabi lamang ‘ho ng totoo.”

Inisa-isa rin ng DOTr ang bawat proyektong nagawa sa panunungkulan ni Tugade, kabilang ang mga airport project at apat na sinimulang railroad project.

“Madam Senator, hindi ‘ho ugali ni Secretary Tugade ang matulog sa pansitan. Kaya nga ‘ho nagpapatupad ang Kagawaran ng 24/7 construction at nagpapairal ng partial operability timelines dahil mismo sa kagustuhan niyang makapaghatid agad ng serbisyo-publiko sa transportasyon sa mga Pilipino,” saad pa.

“‘Yan po ang aming Kalihim. TRABAHO, GAWA, at hindi puro salita.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.