Drive thru vaccination, nakaplano na — Mayor Isko

Kasama na sa plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagsasagawa ng “drive thru COVID-19 vaccination” para sa mga residente nilang senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, nakalatag na talaga ang kanilang drive thru vaccination para sa mga nakatatanda at may kapansanan, bilang konsiderasyon sa kanilang kalagayan.

Gayunman, hindi pa aniya maipatupad ito dahil sa kakulangan pa rin ng suplay ng mga COVID-19 vaccine.

Kaya naman, hintay-hintay pa rin sila sa panibagong batch ng mga bakuna na maibibigay sa kanila.

Sa kabila nito, sinabi ni Moreno na sa kasalukuyan ay mayroong hindi bababa sa 18 na vaccination sites sa lungsod ng Maynila.

Mayroon din aniya silang “home service” o bahay-bahay na bakunahan para sa mga bedridden na mga residente.

Dagdag ni Moreno, patuloy nilang hinihimok ang mga Manileño na magpa-rehistro para sa bakunahan. Base sa pinakahuling tala mula sa manilacovid19vaccine.ph, aabot na sa higit 318,000 ang pre-registered.

Ang mga indibidwal naman na nakakuha na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ay umabot na sa higit 14,000.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.