Duque sa mga kritiko: Ano pa bang kailangan kong patunayan?

Hinarap na ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga kritiko na matagal nang nananawagang magbitiw siya sa puwesto.

Sabi ni Duque, sa isang panayam sa ABS-CBN’s Teleradyo, dapat hintayin muna ng madla ang resulta ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth ukol sa alegasyon ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation.

Si Duque ang tumatayong chairman ng PhilHealth.

“Trabaho lang kasi ito lahat. Unang-una, hindi naman tayo humingi nitong trabaho na ito. Tayo ay inanyayahan ng Pangulo na tulungan siya sa kanyang administrasyon, dahil alam naman ninyo na dati na akong naging kalihim, ‘di ba?” sabi ng kalihim ngayong Huwebes.

“Ito ay pangalawang beses. Kumbaga, what else do I have to prove, ‘di ba? Wala naman, kung hindi trabaho lang para sa bayan at para rin makatulong na maging tagumpay ang administrasyon ni Pangulong Duterte. So tayo, trabaho lang,” aniya pa.

Matatandaang nanungkulan na bilang health secretary si Duque sa panahon ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos manawagan ang Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na si Duque ng bagong kalihim ng DOH na may “stronger will” na malabanan ang korapsiyon sa kanyang hinahawakang organisasyon at mga ahensiya.

Nirekomenda rin ng Senado ang pagsasampa ng kaso laban kina Duque, resigned PhilHealth chief Ricardo Morales, at iba pang opisyales ng state insurance company dahil sa umano’y misuse of funds.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.