Enrile, kinuwestyon ang noo’y appointment kay Trillanes bilang negotiator sa China

Tinuligsa ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang pagkatalaga kay dating Senador Antonio Trillanes IV bilang negotiator ng bansa sa China sa kasagsagan ng hidwaan sa West Philippine Sea noong 2012.

Ayon kay Enrile, “Paano siya nagkaroon ng koneksyon doon? Ni mismo ako naging guest ako ng Beijing, wala akong koneksyon na kagaya ni Trillanes. Paano siya nagka — nagkaroon ng koneksyon na ganoon na puwede niyang lapitan ang mga pinuno ng Tsina noong panahon na ‘yon?”

Nagsilbi si Trillanes bilang backdoor negotiator ni administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III doon sa opisyal ng pamahalaang China noong taong 2012.

Ang naturang informal talks ay may layon umanong pahupain ang tensyon sa Scarborough shoal.

Sa isang televised public address ni Pangulong Duterte, ibinahagi ni Enrile na ipinatawag siya noon ni dating Pangulong Aquino para sa isang pagpupulong kasama si Trillanes at si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario upang talakayin ang Scarborough Shoal standoff.

Sa naturang pagpupulong nalaman ni Enrile, matapos ibulgar ni Trillanes, na labas-pasok ito sa China alinsunod sa kautusan ni Aquino para sa umano’y solusyon sa naganap na stand off.

Kaya pinag-iingat na rin ni Enrile ang dating rehimen kaugnay ng negosasyon ni Trillanes sa China dahil masalimuot aniya ito lalo’t hindi nila alam kung ano ang mga pinag-usapan doon sa China.

Inihayag din ng dating senate president na nagsilbing mediator din ang Estados Unidos sa pagitan ng Pilipinas at China sa nangyaring standoff.

Umapela rin si Enrile kay Del Rosario na ibinunyag kung sino ang humingi ng tulong ng U.S para maging mediator sa naturang hidwaan na may kinalaman sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ni Pangulong Duterte na matapos ang ilang ulit na byahe ni Trillanes sa China, pagkatapos noon ay nawala na sa Pilipinas ang Scarborough shoal.

Ani pangulong Duterte, “He traveled to China 16 times? And during his last visit, the 16th visit, shortly, sir, two days after, we lost the Scarborough Shoal.”

Iginiit din ng pangulo na dapat maipaliwanag sa taumbayan ang talagang katotohanan sa likod ng negosasyon sa China kauganay ng WPS.

Mababatid na napapaloob sa South China Sea ang ilang bahagi ng karagatang itinuturing ng Pilipinas na West Philippine Sea, na batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea, ay kabahagi ito ng Exclusive Economic Zone ng bansa.

Pero hindi kinilala ng China ang panalo ng Pilipinas sa 2016 Permanent Court of Arbitration (PCA) na naglelehitimo sa claims ng bansa sa West Philippine Sea.

Samantala, patuloy na pinayuhan ni Enrile ang administrasyon na panatilihin ang pakikipagkaibigan sa China, sa halip na maging agresibo.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.