Francis Leo Marcos nadagdagan pa ang reklamong human trafficking

Sa susunod na linggo ay marami pang kaso ang isasampa laban sa online personality na si Francis Leo Marcos, na Norman Mangusin ang tunay na pangalan, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

“By next week ipa-file na namin,” saad ni NBI Cyber Crime Division Chief Victor Lorenzo sa ulat ng Manila Bulletin.

“Nakita namin ine-evade niya ‘yung mga kaso ng Norman Mangusin,” dagdag niya.

Nakatanggap daw ng impormasyon ang NBI mula sa Department of Foreign Affairs na may tatlong passport si Marcos na nasa mga pangalang Norman Mangusin, Francis Antonio at Francis Leo Marcos.

Mula naman sa Philippine Statistics Office natanggap ng NBI ang certification na isang tao lang sa pangalang Norman Mangusin ang may birth certificate.

Inilantad din ni Lorenzo na maraming human trafficking victim ang nagtungo sa NBI para sampahan ng kaso si Marcos.

Lahat ng bagong reklamo laban sa online personality ay konektado sa human trafficking case na kinakaharap ni Marcos sa Manila Regional Trial Court.

Pinapadala umano ang mga biktimang babae sa Cyprus pero bumabagsak sa pagiging sex slave.

Isasama rin ng NBI si Marcos sa panibagong human trafficking case na nakabinbin sa Pasay City RTC kaugnay naman sa pagsalakay sa isang men’s club.

Nakilala si Marcos dahil sa mga “Mayaman Challenge” video niya.

Inaresto siya ng NBI noong Mayo 19 sa Quezon City batay sa arrest warrant na inisyu ng Baguio City Regional Trial Court Branch 60 noong 2018 kaugnay sa kaso niyang paglabag sa Revised Optometry Law of 1995.

Matapos ng pagdakip sa kanya, nadiskubre ng NBI na may iba pa palang arrest warrants na inisyu ang iba’t ibang korte laban kay Marcos kabilang ang estafa case sa Makati City RTC.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.