Francis Leo Marcos sinampahan ng mga bagong kaso

Nahaharap sa panibagong mga kaso ang internet sensation na si Francis Leo Marcos.

Ayon kay National Bureau of Investigation cybercrime division chief Victor Lorenzo, naghain sila ng kaso laban kay Marcos dahil sa paggamit ng alyas at sa video kung saan hinamon niya ang mayayaman niyang kapitbahay na mag-donate sa mga taong nangangailangan.

Nilabag daw ni Marcos ang “anti-alias law” at “passport law” pati na inciting to sedition in relation to paragraph 4 of Article 139 ng Revised Penal Code.

Batay sa Article 139, masasabing nakagawa ng crime of sedition kung: “to commit, for any political or social end, any act of hate or revenge against private persons or any social class.”

Samantala, gumagamit daw ng alyas si Marcos dahil Norman Mangusin ang tunay niyang pangalan.

Wala raw itong judicial declaration na pinalitan na niya ang pangalan niya ng Francis Leo Marcos.

Nagbigay din daw si Marcos ng passport kung saan nakapangalan ito sa kanyang alyas.

Kasalukuyang nakadetine si Marcos sa NBI matapos maaresto nitong linggo sa bisa ng arrest warrant laban sa kanya dahil sa umano’y paglabag sa optometry law.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.