GCQ sa buong bansa posible pagsapit ng Agosto, Mga studyante hinding-hindi ilalagay sa panganib ng gobyerno

Pinalutang ng Malacañang noong Mayo 21 ang posibilidad na isailalim na ang buong bansa sa general community quarantine (GCQ) pagsapit ng Agosto.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may posibilidad na magpatupad ng GCQ sa buong bansa sa Agosto basta’t susunod lang ang lahat ng Pinoy sa ipinatutupad ng pamahalaan na quarantine protocols para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

“Pero sa ngayon po, for purposes of planning, we’re assuming that with (the) cooperation of everyone, pupwede na po na buong Pilipinas ay mag-GCQ by August,” ani Roque sa ginanap na virtual presser na umere sa PTV-4.

Nabanggit niya ang ideya at tiniyak sa publiko na ang Pilipinas ay nananatiling nasa first wave ng Covid-19 pandemic, na kaiba sa inihayag ni Health Secretary Francisco Duque na nasa second wave na ng outbreak ang Pilipinas.

“We’re hoping that by August 24, which is the mandated day para magsimula ang mga public school, ay nasa GCQ na po ang buong Pilipinas,” ayon kay Roque.

Sa isang press statement na inilabas ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) – Philippines, nagpahayag ng pangamba ang mga magulang ng mga mag-aaral, guro at maging mga estudyante “due to the threat of acquiring or passing onto others the virus.”

Tiniyak naman ni Roque na hindi ilalagay ng gobyerno sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral sa harap ng Covid-19 crisis.

Aniya, “Hinding-hindi po natin ilalagay sa aberya ang ating mga kabataan. Kung kinakailangan pong huwag buksan dahil mataas pa ang mga kaso o nagkaroon ng second wave, eh, siguro po magkakaroon ng ganyang desisyon.”

Sinabi pa niya na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na siyang gumagawa ng mga rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kapalaran ng nationwide community quarantine, ay nakatakda nang magpulong—bagaman at hindi niya binanggit kung ano ang agenda sa gaganaping pulong.

Tiniyak naman ni Roque na gagawa ang pamahalaan ng mga kinakailangang hakbang sakaling magdesisyon ang task force na huwag pang magpatupad ng GCQ sa buong bansa pagsapit ng Agosto.

“If imposing nationwide GCQ is not possible, we will take the appropriate action,” ayon pa sa kalihim.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.