Good news! Programa kontra gutom sa Gitnang Luzon kasado na -Sec. Karlo Nograles

Kasado na ang pagpapatupad ng programa ng gobyerno na Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) para sa iba’t ibang lalawigan sa Gitnang Luzon o Region III.

Ito ay matapos na lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Biyernes kasama si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa ginanap via virtual signing sa Clarkfield, Pampanga.

Sinabi ni Nograles na hangad ng pamahalaan na malutas ang usaping seguridad sa pagkain at pagtugon sa usapin ng kagutuman sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kita ng mga magsasaka na siyang panggagalingan ng produktong agrikultura na isu-suplay ng gobyerno sa iba’t ibang ahensiya katulad ng mga bilangguan, at mga pampublikong ospital.

Binigyang diin ni Nograles na base sa 4th quarter 2019 SWS survey, lumalabas na 8.8% ng mga pamilya, o 2.1 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger ng isang beses sa nakaraang tatlong buwan kumpara sa 9.1% o 2.3 milyong pamilya noong Setyembre 2019.

Ang taunang average hunger rate para sa 2019 ay 9.3% kumpara sa 10.8% para sa 2018. Ang December 2019 hunger rate ang pinakamababa kung ating pagbabatayan ang 7.4% noong Marso 2004. Ang mga programa ng gobyerno ay gumagana. Kailangan nating paigtingin ang mga pagsusumikap upang mapanatili ang ating mga natamo,” paliwanag ng opisyal ng Palasyo.

Gayunpaman, ang resulta na ito ay nabaligtad tulad ng ipinakita sa May 2020 SWS Survey, kung saan may 16.7% o tinatayang 4.2 milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger – gutom dahil sa kakulangan ng pagkain na makakain – na hindi bababa sa isang beses sa nakaraang tatlong buwan. Ito ay halos doble sa 8.8% (tinatayang 2.1 milyong pamilya) noong Disyembre 2019, at ang pinakamataas mula sa 22.0% (tinatayang 4.8 milyong pamilya) noong Setyembre 2014. Kaya, nananawagan ang Kalihim para sa isang mas maigting na pagtuon ng patakaran sa seguridad sa pagkain.

“Karagdagang mga pagsisikap ang kinakailangan upang matiyak ang availability, accessibility, at kakayahan sa ligtas at masustansyang pagkain – isa sa mga programa para dito ay ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty program (EPAHP) – isang pinagsanib na programa na naglalayong mapataas ang produksiyon sa mga bukirin at mapalaki ang kita ng mga magsasaka, matiyak na sapat ang pagkain at seguridad sa nutrisyon, at mabawasan ang kahirapan sa mga pamayanan sa mga kalungsuran at mga kanayunan,” pahayag ni Nograles.

Ang EPAHP ay naka-angkla sa Sustainable Development Goals, Philippine Development Plan 2017-2022 at mga direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mabawasan ang saklaw ng kahirapan sa 14% sa loob ng kanyang panunungkulan.

Ang EPAHP ay nabuo dahil sa matagumpay na PAHP program na pinamumunuan ng DAR, DSWD at DA, isang programa na nagpapakilos sa mga magsasaka sa iba’t ibang komunidad upang makagawa ng mga kalakal at iba pang mga pagkain na kinakailangan para sa Supplemental Feeding Program at Feeding Program para sa Residential Care Facilities.

“Sa ilalim ng EPAHP, nilalayon naming makipagtuwang sa maraming mga ahensya na magbibigay tulong sa mga organisasyon na nakabase sa komunidad at mga lokal na magsasaka, hindi lamang sa pamamagitan ng mga koneksyon sa merkado, ngunit nagbibigay rin ng pag-access sa iba’t ibang mga programa at aktibidad ng mga pambansang ahensya na nakatuon upang maisagawa sa ilalim ng pakikipagtulungan. Mula lamang sa tatlong kasaping ahensya, mayroon na kaming mahigit labing-isa pang kasaping mga ahensya at mga katuwang sa institusyon na kinabibilangan ng DILG, BJMP, DepEd, DOH, NNC, DOST, DTI, NAPC, NIA, TESDA, PopCom, at LANDBANK. Sa lalong madaling panahon ang DBP ay magiging bahagi din ng programa,” ayon sa tagapangasiwa ng Task Force on Zero Hunger.

Ang enhanced features ng EPAHP ay ang mga sumusunod: pagsasama ng tulong sa kredito upang suportahan ang paggawa ng pagkain, pagproseso, at marketing para sa community-based organizations care ng Landbank; support services mula sa iba’t ibang mga katuwang na ahensya; mas malawak na saklaw ng pagpapatupad. Layon ng gobyerno na ipatupad ito sa buong bansa, ngunit sa una ay nakatuon ito sa 32 priority provinces ng Human Development and Poverty Reduction Cluster.

“Ang Inter-Agency Task Force Zero Hunger ay naitatag sa bisa ng Executive Order 101 na nilagdaan ng Pangulo upang puksain ang gutom sa 2030 – tugunan ang gutom, makamit ang seguridad ng pagkain, mapabuti ang nutrisyon, at itaguyod ang sustainable agriculture,” bigay diin ng Kalihim.

Ayon kay Nograles, sa EPAHP Steering Committee Meeting na gaganapin sa Hulyo 1, 2020 ay isasama sa mga talakayan ang usapin hinggil sa pagpapatuloy ng programa upang matiyak na ang programa ay ipinatutupad sa panahon ng pandemyang ito.

“Ang paglagda ngayon ng mga MOU at kasunduan sa marketing sa pagitan ng DAR at BJMP Rehiyon III, at ang apat (4) na ARBOs ay isa pang testamento na gumagana ang EPAHP at isa itong milestone para sa rehiyong ito,” may galak na sambit ni Nograles.

Ang mga Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) sa Gitnang Luzon na kabilang sa naturang programa ay ang mga sumusunod: Sto. Tomas-San Luis Farmers Association sa lalawigan ng Pampanga, Nagkakaisang Magsasaka Agricultural Primary Multi-Purpose Cooperative sa lalawigan ng Nueva Ecija, Dalig-Hobol Irrigator’s Association sa lalawigan ng Zambales, at Kabalikat sa Gulayan at Sakahan sa Bayan ng Licab sa lalawigan ng Nueva Ecija.

“Mariing hinihikayat natin ang ating mga kasaping ahensya sa EPAHP na patuloy pang palakasin ang suporta sa ating mga magsasaka at ARBOs.”

“Bago pinairal ang ECQ sa Luzon at NCR, matatandaan na ang huli naming MOU Signing ay noon pang Marso 11, 2020 sa rehiyon ng CARAGA kaya ngayon naman ang unang pagkakataon upang magpatuloy sa paglagda ng MOU – testamento ng pagpapatuloy ng programa. Napakahalaga nito sa panahon ngayon dahil sa Covid, seguridad sa pagkain at mga pagsusumikap natin kontra-gutom sa kasagsagan ng pandemyang ito,” dagdag na pahayag ng Kalihim.

Ani Nograles, katulad sa iba pang mga rehiyon, kanyang hinihiling ang suporta ng lahat ng mga local executives para sa programang ito sa pamamagitan ng pag-tap sa mas maraming community-based organizations upang magsuplay o maibigay ang kanilang mga pangangailangan sa mga feeding programs, ospital, canteens, at iba pa.

“Nais ko ring hikayatin ang ating mga community-based organizations at ARBOs na aktibo at patuloy na makilahok sa programa na ito dahil mayroon na kayong sigurado na mga mamimili para sa iyong mga kalakal. Dapat ding alamin o i-tap ng mga ARBOs ang loan at subsidy sa ilalim ng programang ito. Patuloy tayong magtulungan sa pagtugon sa gutom at seguridad sa pagkain sa bansa.”

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.