Guilty verdict kay Maria Ressa gagamitin ng mga kritiko pambanat kay PRRD – Palasyo

Kumbinsido ang Malakanyang na gagamitin ng mga kritiko ng administrasyon ang conviction ni Rappler CEO Maria Ressa para sa cyber libel para palabasin na kalaban ng press freedom si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Si Ressa, Reynaldo Santos Jr., dating researcher para sa Rappler, ay sinentensiyahan ng anim na buwan hanggang anim na taon ng Manila court dahil sa inilathalang artikulo noong 2012 at di umano’y ini- “republished” noong 2014 na nagsasaad na may “intelligence report” ang nag-uugnay sa negosyanteng si Wilfredo Keng sa criminal activities.

Nanatili namang malaya ang mga ito matapos na maglagak ng post-conviction bail.

“Sa darating na araw po, asahan po natin na ang mga kalaban ng gobyerno ay gagamitin ang conviction ni Maria Ressa for libel para sabihin na kalaban daw po ng kalayaan ng malayang pananalita at pamamahayag ang Presidente,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi pa ni Sec. Roque na hindi kailanman naghain ng libel case si Pangulong Duterte laban sa kahit na kaninuman at si Pangulong Duterte aniya ay supporter ng press freedom at freedom of expression.

“Ang paninindigan ng ating Pangulo ay ito po ay isang kaso na nalitis ng ating hukuman. Respetuhin natin ang desisyon ng hukuman,” ayon kay Sec. Roque.

Ipinagkibit-balikat din ni Sec. Roque ang naging pahayag ni Ressa na ang conviction sa kanya ay “cautionary tale”.

“Wala pong basehan ‘yan. She’s barking [up] the wrong tree. Meron pa naman pong pagkakataon si Maria Ressa na umapela. Habang po siya ay umaapela, hindi naman po siya makukulong. We wish her the best,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, kumbinsido si Rappler CEO Maria Ressa na ginagamit sila para takutin ang mga mamamahayag at ang mga mamamayan na naglalabas ng katotohanan.

Pahayag ito ni Ressa matapos siyang hatulang guilty ng Manila Regional Trial Court sa kasong cyber libel para sa isang artikulo na inilabas ng Rappler noon pang 2012.

Emosyonal na umapela si Ressa sa mga kapwa mamamahayag at sa publiko na protektahan ang kanilang karapatan.

“We are meant to be a cautionary tale, we are meant to make you afraid. Right? So, I appeal again. Don’t be afraid because if you don’t use your rights you will lose them, if we don’t challenge a brazen move to try to role back the rights guaranteed in the Constitution, we will lose them. Sa mga Pilipino na nanonood, hindi lang ito tungkol sa Rappler, hindi lang ‘to tungkol samin, tungkol ito sa inyo,” ani Ressa.

“Devastating” kung ilarawan ni Ressa ang naging hatol sa kanila ng hukuman.

Ayon kay Ressa, bagamat inasahan na rin naman nila ito, isa pa rin itong dagok sa kanila dahil sinasabi sa desisyon na mali ang kanilang ginawa.

“It’s a blow to us but it’s also not unexpected considering that we are going to stand up against any kinds of attacks against press freedom, this is the first its followed by a whole slew of other cases; the tax evasion and then a whole slew that is based on foreign ownership and securities fraud. I really love that I became a criminal all in one year several times,” ani Ressa.

Facebook Comments

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.